Editoryal

Labanan ang panggegera, pandarambong ng US at papet na rehimeng Marcos

, ,

Bagong antas ng pambansang pang-aapi ang dinaranas ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Kasabwat ang papet na presidente na si Ferdinand Marcos Jr, pahigpit nang pahigpit ang pagsakal ng imperyalismong US sa Pilipinas. Lalong tumitindi ang paggamit ng imperyalismong US sa Pilipinas sa paghahanda at pang-uupat ng gera laban sa karibal na China, ang paghuthot nito sa yaman ng Pilipinas at paggatong sa pasistang paniniil laban sa bayan. Dapat mahigpit na magkaisa ang sambayanang Pilipino upang labanan ang imperyalistang gera at pandarambong, at iligtas ang bansa sa tiyak na kapahamakan at ibayong pagdurusa.

Magtatalumpati si Marcos sa kanyang ikalimang state of the nation address (SONA) sa gitna ng tumitinding krisis sa ekonomya at pasismo. Haharap siya sa tulad niyang mga korap, masiba at bundat na dinastiyang kinatawan ng mga naghaharing uri. Lulunurin ng kanilang palakpak ang hinaing ng masang anakpawis sa kanayunan at kalunsuran, na hikahos sa gitna ng pagsirit ng presyo ng langis, pagkain at ibang bilihin. Bumubulusok ang antas ng kanilang pamumuhay sa kabila ng maghapong kayod-kalabaw na paghahanapbuhay, habang busog sa yaman ang malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista.

Isa na si Marcos sa pinakamasunurin sa mga naging papet ng imperyalismong US sa malakolonyal na kasaysayan ng bansa. Ibinuyangyang niya ang bansa sa pamamayagpag ng pwersang militar ng US. Pinahintulutan niya ang mga base militar nito, ang pagpwesto ng libu-libong tropang Amerikano, pag-iimbak ng kanilang mga misayl, drone at iba pang kagamitang pandigma, at walang katapusang paggamit para sa pag-eensayo sa gera.

Ipinagmamalaki ni Marcos ang soberanong karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, pero pikit-mata sa nakadaong na dambuhalang mga aircraft carrier at barkong nabal ng US, kasama ang pwersang militar ng Japan, sa karagatan ng bansa. Hindi siya umalma nang isinapeligro ng US ang buhay ng milyun-milyong Pilipinong dinaanan ng pinalipad na Tomahawk misayl mula Leyte hanggang Nueva Ecija. Mahigit 500 operasyon ang isinasagawa ng US sa Pilipinas, na magpapalawak ng paggamit sa mga sibilyang pasilidad para sa gamit militar, kabilang ang mga daungan sa Cagayan de Oro at Cebu, imbakan ng langis sa Davao, at paliparan sa Sangley Point sa Cavite. Panggogoyo ang sinasabing para sa “humanitarian and disaster response” ang mga ito, gayong ilang kalamidad na ang dumaan na walang inihatid na tulong sa mga biktima. Bagkus perwisyo ang kanilang hatid sa masa saanman at tuwing nag-eehersisyong militar.

Tulad ng kanyang amo, bulag na nagpapagamit si Defense Sec. Gilbert Teodoro at mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa militarismo ng US sa Asia, alinsunod sa estratehiyang “palibutan” at “pigilan ang paglago” ng China. Sa tulak ng US, puspusan ngayong iginigiit ni Teodoro na maglaan ng apat na porsyento ng GDP (katumbas ang ₱1.17 trilyon) para sa gastusing militar, matapos itinaas ng 12% ang badyet ng AFP ngayong 2026. Ang militaristang badyet ni Marcos ay hindi para sa pagtatanggol ng bansa, kundi para sa paghahanda sa gera ng imperyalismong US.

Pinapaspasan ngayon ang mga hakbang para simulan ang operasyon ng 1,620-ektaryang Pax Silica “economic security zone” (ESZ) ng US sa New Clark City sa Tarlac at Pampanga. Pinananabikan ni Marcos ang pagdating sa Nobyembre ni Donald Trump, hibang na president ng US, para pasinayaan ang ESZ. Balak na dito ilipat ang mga “data center” ng mga kumpanyang Amerikano na marami ay ipinasasara na sa US dahil matakaw sa tubig at kuryente, na kumakain sa limitadong rekurso ng mga komunidad sa paligid. Balak ding itayo ang mga pabrika ng armas, kasosyo ang mga kumpanyang Israeli, na nasa likod ng henosidyo laban sa mamamayang Palestino sa Gaza, at mga gera ng US sa Middle East.

Bibisita sa bansa ngayong linggo si US State Sec. Marco Rubio. Bahagi ito ng tulak ng US na pahigpitin ang kontrol sa bansa at ipataw ang pasya nito sa iba’t ibang panig ng mundo. Gagawin ito matapos muling simulan ng US ang pambobomba sa Iran sa layong paluhurin ito sa mga dikta ng US na kontrolin ang yamang langis ng bansa. Kamakailan, inianunsyo ni Rubio na isusulong ng US ang paglalansag sa International Criminal Court, upang alisan ito ng kapangyarihang isakdal, arestuhin at litisin ang mga upisyal ng US at Israel na sangkot sa mga krimen sa digma at krimen sa sangkatauhan.

Sa udyok ng mga tagapayong militar ng US, patuloy na pinatitindi ng rehimeng Marcos ang pasistang atake at panlilinlang sa mamamayan. Ang sinumang tumitindig para ipaglaban ang pambansang kalayaan laban sa imperyalismong US ay binabansagang “terorista” para bigyang-matwid ang armadong pagsupil at paghahasik ng terorismo ng estado. Kabi-kabila ang paghahambog na “nagupo na” ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang prubinsya. Layon nitong sindakin ang mamamayan at engganyuhin ang pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, plantasyon at “renewable energy.” Habang nagdedeklarang “insurgency-free,” walang awat ang mga operasyong militar ng AFP sa mga larangang gerilya ng BHB sa buong bansa, sa tangkang pigilan ang patuloy na paglawak at paglalim ng ugat nito sa malawak na masa sa kanayunan.

Napakahigpit ng pangangailangan ngayong magkaisa ang sambayanang Pilipino laban sa imperyalistang gera at pandarambong, at laban sa ganap na pagsuko ng rehimeng Marcos sa kasarinlan ng bansa. Kaligtasan at kinabukasan ng buong bayan ang nakataya sa mga paglaban na ito. Hindi dapat hayaang magtagumpay ang imperyalismong US sa buhong nitong pakana na pasiklabin ang gera, kaladkarin ang Pilipinas, at kamkamin ang lupa at yaman ng bansa para sa kanyang Pax Silica.

Ang paglaban sa imperyalistang gera at pandarambong ay bahagi ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Dapat ibayong palawakin at palakasin ang organisadong lakas ng sambayanan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa pamumuno ng Partido, tiyak na susulong ang armadong paglaban at lahat ng anyo ng pakikibaka para isulong ang pambansa at demokratikong hangarin ng sambayanan. Mahaba man at mahirap, ang landas ng digmang bayan ang tanging landas tungo sa pagpapalaya ng bansa.

Labanan ang panggegera, pandarambong ng US at papet na rehimeng Marcos