Pax Silica: Pahamak sa manggagawang Pilipino

,

Habang sinusunggaban ng mga tutang tagakahol ng rehimeng US-Marcos ang sigalot sa South China Sea, abala naman ang mga upisyal nito sa pagbubukas ng “economic security zone” sa balangkas ng Pax Silica na minamadali na ng US. Nitong Hulyo, inianunsyo ng rehimen ang pagpasok ng Foxconn bilang “anchor investor” o susing mamumuhunan sa itatayong engklabo. Itinuturing ang Foxconn (kilala rin bilang Hon Hai Precision Industry Co., Ltd.) bilang pinakamalaking kumpanyang gumagawa ng mga produktong elektroniko na nag-aasembol ng mga produkto para sa Apple, Amazon, Microsoft, at Sony.

May mahabang rekord ng labis na pang-aabuso, sobra-sobrang pagpapatrabaho sa mga manggagawa at di-makataong kundisyon sa paggawa ang Foxconn sa China at India. Karaniwan ang 80-100 oras na obertaym bawat buwan. Bawal ang magsalita o gumamit ng banyo nang labas sa itinakdang oras. Nag-eempleyo din ito ng mga estudyante bilang “interns” na sinasahuran ng mas mababa pa sa minimum, at pinagtatrabaho sa mga gawaing walang kinalaman sa kanilang pinag-aaralan.

Sa India, pinigilan ng kumpanya ang pagbuo ng mga independiyenteng unyon. Sahod-alipin ang ibinibigay ng kumpanya sa mga manggagawa at hindi ito nagbibigay ng maayos na tirahan.

Sa kabilang banda, tatamasa ang Foxconn ng espesyal na mga insentiba, tax break at iba pang pabor. Alinsunod sa napagkasunduan na sa pagitan ng US at Pilipinas, hindi ito magbabayad ng upa sa loob ng unang dalawang taon ng kanilang operasyon dito.

Makikinabang din ito sa minamadali ngayon na paghuhukay ng di bababa sa 20 balon sa tatlong baryo sa Tarlac na hihigop sa rekursong tubig ng katutubong mamamayan at magsasaka sa lugar. Gayundin ang itinatayong grid para sa 5-gigawatt na pangangailangang kuryente ng engklabo.

Pax Silica: Pahamak sa manggagawang Pilipino