Ang lumulubhang kalagayan ng mga magsasaka ng palay sa Southern Tagalog
Problemado si Gale, isang magsasaka sa Southern Tagalog, kung saan siya makahahanap ng trabaho tuwing natatapos ang pagtatanim ng palay lupa ng isang panginoong maylupa sa kanilang baryo. Anim na buwan lamang ang trabaho niya dito: Hunyo-Agosto at Disyembre-Pebrero. Labas dito, obligado siyang maghanap ng ibang mapagkakakitaan para buhayin ang kanyang pamilya. Hiwalay siya sa asawa at siya lamang ang nagtataguyod sa kanyang anak na bata pa.
Bahagi si Gale ng grupo ng mga manggagawang-bukid sa kanyang baryo na nakapailalim sa sistemang “kabesilya.” Ang kabesilya ang nagsisilbing “labor contractor” o tagahanap ng manggagawang-bukid para sa mga trabahong ipagagawa ng panginoong maylupa. Hawak nila ang apat hanggang 20 manggagawa, depende sa laki ng ipatatrabahong lupa. Lumalahok din sila sa produksyon pero may dagdag na bayad sa bawat tao makukuha nila bilang trabahante. Sa baryo ni Gale, may bayad ang kabesilya na ₱10 kada tao na matitipon niya para sa isang trabaho.
Tulad ni Gale, bahagi ng sistemang kabesilya si Frank. Pareho nilang iniinda ang sistema ng pasahod na pakyawan, kung saan tumatanggap lamang ng ₱480 kada tao kada ektarya. Sa palayang pinagtatrabahuan nila, 10 katao ang kailangan kung lokal ang binhi, habang 15 katao kung hybrid ang binhi. Karaniwang nasa ₱300-₱400 (₱700 pinakamataas) ang naiuuwi ni Gale bilang magtatanim. Nagsisimula ang trabaho nila ng 5:30 ng madaling araw at natatapos alas-8 o alas-9 ng umaga.
Sa panahong walang taniman, namamasukan si Gale bilang caretaker ng isang resort kapalit ng libreng “pagpapatira” sa kanya at kanyang anak dito. Wala siyang sahod liban sa pana-panahong “komisyon” kung may dumayo sa resort. Ang ibang kababaihan na kasama niya sa sistemang kabesilya ay namamasukan bilang labandera, kasambahay o tindera. Para makaagapay, ilan sa kanila ang nagtitinda ng pagkain tulad ng ihaw-ihaw at meryenda o kung may kaunting kapital, nagbubukas ng maliliit na tindahan. Karaniwang kumikita sila ng ₱180-600 sa paglalaba, depende sa dami, habang ₱200-350 kada araw sa pamamasukan. Samantala, ang kalalakihan tulad ni Frank ay nagtatrabaho bilang construction worker sa mga karatig lugar habang ang iba ay kumikita sa pamamasada ng traysikel.
Pamimitas ng sampaguita ang isa ring karaniwang kabuhayan tuwing walang taniman. Kumikita sila dito ng ₱10-50 kada tabo, depende sa panahon at presyo ng sampagita. Sa panahong malamig ang klima, bihira ang butil ng sampagita kaya mas mahal ang presyo nito habang mas marami at mas mura ang butil sa panahon ng tag-init.
Kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan
Kabilang sina Gale at Frank sa halos isang milyong nawalan ng hanapbuhay sa agrikultura noong Mayo. Ayon sa huling Labor Force Survey ng reaksyunaryong gubyerno, aabot sa kabuuang 905,000 ang nawalan ng trabaho sa agrikultura, na isang salik sa tantos ng disempleyo na 4.8% o humigit-kumulang 2.5 milyong Pilipino noong Mayo. Ang agrikultura at kagubatan (forestry)—na bumubuo ng 16.8% ng kabuuang empleyo—ay nabawasan ng 392,000 trabaho kumpara noong Mayo kumpara sa nakaraang taon. Nawalan din ng 155,000 trabaho ang pangingisda at aquaculture. Pinakamatindi ang pagbagsak ng mga trabaho sa pagtatanim ng palay, na nabawasan ng 734,000 trabaho.
Idinadahilan dito ng rehimeng Marcos ang pabago-bagong panahon tulad ng El Niño at iba pang sakuna. Ang totoo, ipinapakita nito ang nagpapatuloy na kapabayaan ng reaksyunaryong estado, sa ngayon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, sa agrikultura at malawakang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at katutubo.
Rebolusyon ang sagot sa kawalang kabuhayan sa kanayunan
Ayon sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, hindi kataka-taka ang kalagayan ni Gale, Frank at milyun-milyong katulad niyang magsasakang walang sariling lupa na walang mapagpipilian kundi mamasukan sa iba’t ibang hanapbuhay. Ang agrikultura sa Pilipinas ay lubhang atrasado, mababa ang produktibidad at walang kakayahang lumikha ng sapat na kabuhayan para sa populasyon sa kanayunan.
Sinasamantala ng mga panginoong maylupa ang laksa-laksang bilang ng mga manggagawang-bukid para ipako ang kanilang sahod (mas mababa pa sa pinakamababang minimum sa mga syudad), balewalain ang kanilang kagalingan at pagtrabahuin sila nang sobra-sobra. Lalong mas mababa ang kanilang kita sa pinapasok nilang panandaliang mga trabaho sa pagitan ng mga siklo ng pagtatanim.
Sa gitna ng laganap na kawalang kabuhayan sa kanayunan, wasto lamang na ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa upang kamtin ang rebolusyonaryong pagbabago sa buhay ng masang magsasaka—na silang bumubuo ng mayorya ng mamamayang Pilipino. Ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa o RGRL ng Partido Komunista ng Pilipinas ang programa para palayain ang masang magsasaka sa pyudal at malapyudal na anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Nakasaad dito ang maksimum na programa ng libreng pamamahagi ng lupa, at ang minimum na programa ng pagtataas ng sahod ng mga manggagawang-bukid, pagpawi ng usura at iba pang hakbang.
Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan makakamit ng sambayanang Pilipino ang kanilang mga demokratikong kahingian at karapatan, kabilang ang pagkakaroon ng lupa at nakabubuhay na sahod.