Pangangamkam sa lupang ninuno para sa gamit-militar, nilalabanan
Tinatayang 3,000 katutubong Aeta mula sa limang barangay ang nagmartsa sa Capas, Tarlac noong Hulyo 14 para batikusin ang pangangamkam sa kanilang lupang ninuno at dinaranas na panggigipit mula sa Philippine Air Force (PAF). Kasabay nilang binatikos ang pang-aagaw sa kanilang lupang ninuno para sa pagpapalawak ng New Clark City sa pangangasiwa ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Nagmartsa ang mga Aeta mula sa Barangay O’Donnell tungo sa isang tsekpoynt papasok ng Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB), isang reserbasyong militar, sa Barangay Santa Juliana. Nagpahayag ng suporta sa kanila ang mga pambansa-demokratikong grupo sa Central Luzon.
Pinagbawalan ng PAF ang naturang mga komunidad na magtayo at magkumpuni ng mga tahanan. Hinigpitan ang kanilang suplay ng tubig at kuryente, at pinigilan ang pagpasok ng tulong at iba pang serbisyo. Kaugnay ito ng planong pagtatayo sa erya ng Joint Training Complex ng mga tropang Pilipino at Amerikano.
Ayon sa mga katutubo, hindi kinuha ang kanilang free, prior and informed consent para dito. Palalayasin ang mga residente sa 18,000 ektaryang lupain ng military complex sa mga barangay ng Santa Juliana, O’Donnel (Patling), at Santa Lucia.
Samantala, patuloy ang BCDA sa konstruksyon ng mga kalsada na sumisira sa mga sakahan, lupang ninuno, at kalikasan para sa New Clark City. Inaasahan ng mga Aeta na lalo pang babagsik ang pagpapalayas dahil bahagi ng pagpapalawak nito ang pagtatayo ng US ng isang economic security zone na may “artificial intelligence hub,” mga data center at iba pang imprastruktura sa balangkas ng inisyatibang Pax Silica.
Noong Hulyo 14, inianunsyo mismo ng US Embassy sa Pilipinas ang pagbisita ni US Ambassador Lee Lipton sa lugar na pagtatayuan ng naturang mga proyekto sa economic security zone. Ang naturang sona ay kanugnog lamang ng Joint Training Complex at bahagi ng mga military at economic hub gaya ng Subic Ammunition Factory at Agila Shipyard, Basa Airbase, Fort Magsaysay Military Reservation, at APECO Defense Hub.