Mga protesta
Balik-trabaho sa 800 manggagawa ng San Miguel Corp, panawagan. Nagkasa ng kilos-protesta ang mga manggagawa ngSan Miguel Integrated Logistics Services Inc ng San Miguel Corporation noong Hulyo 4 para igiit ang agarang pagbabalik ng humigit-kumulang 800 empleyado ng kumpanya na biglaang tinanggal sa trabaho. Inilagay ang mga manggagawa sa “floating status” na walang sahod at benepisyo matapos umanong matalo ang kumpanya sa bidding para sa mga operasyon nito sa bodega, transportasyon, at bundling.
CBA ng mga superbisor sa PLDT, naipanalo. Matagumpay na naisara ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor ang pakikipagnegosasyon nito sa maneydsment ng PLDT Inc. para sa isang bagong collective bargaining agreement matapos maglunsad ng serye ng mga kilos-protesta sa buong bansa. Nakamit ng unyon ang makabuluhang dagdag-sahod at karagdagang mga benepisyo sa kabila ng “garapalang pagpapatagal” ng maneydsment sa negosasyon.
Laban para sa paninirahan sa UP Diliman. Nagbarikada ang mga residente, magsasaka at iba pang sektor sa pamumuno ng SAMANA Diliman noong Hulyo 8 upang pigilan ang pagpasok ng mga tauhan ng unibersidad na nagbabanta ng demolisyon. Panawagan nilang ibasura ang UP Sustainable Development Goals (SDG) Park at negosyong pabahay. Samantala, walang naabot ang dayalogo ng grupo sa mga upisyal ng UP noong Hulyo 14. Kasabwat ng unibersidad at estado ang Megawide Corporation sa kontra-mahirap na proyekto.
Hustisya para sa Talaingod 13. Nagtungo sa Department of Justice noong Hulyo 15 ang mga progresibong grupo, guro, at tagapagtanggol ng karapatang-tao upang ipanawagan ang pagbawi sa hindi makatarungang hatol laban sa “Talaingod 13.” Kasabay nito, idineklara ang araw bilang “Global Day of Action to Defend Talaingod 13” na nilahukan ng iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng bansa.
Pagbasura sa permit sa eksplorasyon ng NLMRC. Nagprotesta ang mahigit 80 katutubo sa Kasibu, Nueva Vizcaya sa pangunguna ng Inter-tribal Response towards Ecological Development sa mga upisina ng Mines and Geosciences Bureau at Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City, noong Hulyo 14. Panawagan nila ang pagbasura sa permit sa eksplorasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation.
Anibersaryo ng sapilitang pagkawala nina Fr. Romano at Ybañez. Nagtipon ang iba’t ibang progresibong grupo noong Hulyo 11, sa Katipunan Street sa Barangay Tisa, Cebu City, upang gunitain ang ika-41 anibersaryo ng sapilitang pagkawala nina Fr. Rudy Romano at Levi Ybañez. Si Fr. Romano ay isang paring Redemptorista at kilalang lider-maralita, habang si Ybañez, ay isang aktibistang magsasaka at mag-aaral.
Alyansa kontra panggigipit ng kabataang-aktibista sa Mindanao. Itinatag noong Hulyo 9 sa Davao City ang alyansang Hands Off Mindanao Youth Activists Network ng mga organisasyon ng kabataan, estudyante, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao upang labanan ang tumitinding pampulitikang pang-uusig, Red-tagging, at panggigipit sa sektor. Binuo ang alyansa matapos maglabas noong Mayo ng “wanted poster” ng mga lider-kabataan sa Facebook ang Cateel Municipal Police Station.
Grupong Marikeño kontra militarisasyon. Itinatag noong Hulyo 15 ang alyansang Marikeños for Peace and Good Governance bilang pagtutol sa nagaganap na militarisasyon sa Marikina City, laluna sa mga maralitang komunidad.Kasalukuyang nag-ooperasyon at naglulunsad ng paulit-ulit na “community outreach” ang 12th Civil Military Operations Battalion sa Agora Compound, kasabay ng Red-tagging, pagmamanman at pamimilit sa mga residente na magtayo ng bagong organisasyon.