Pagkilos laban sa ika-5 SONA ni Marcos, kasado na

,

Kasado na ang protesta laban sa ikalimang SONA o state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr sa Hulyo 27. Sa araw na ito, 20,000 pulis ang inihanda ng estado para pigilan ang mga raliyista na makalapit sa Kongreso kung saan tiyak na ipagmamayabang ni Marcos ang kunwa’y mga “tagumpay” ng kanyang rehimen.

Sa nakaraang mga araw, isinagawa ng iba’t ibang grupo ang pagsisiwalat ng tunay na kalagayan ng mamamayan sa gitna ng matinding krisis sa kabuhayan. Idiniin ng mga pambansa-demokratikong organisasyon na bahagi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na sa ilalim ng paghahari ni Marcos, hindi lamang naghirap ang mga Pilipino, isinadlak pa nito ang sambayanan sa peligro dahil sa pagpapakatuta niya sa imperyalismong US at pangangayupapa niya sa presidente nitong si Donald Trump. Ayon sa Bayan, lalong itinali ni Marcos ang bansa sa mga patakaran ng US at kinaladkad ang mamamayan sa mga imperyalistang giriian sa pagitan nito at China.

Binatikos nito ang rehimen sa pananahimik sa pang-aatake ng US sa Iran, na nagdulot ng matinding kaguluhan sa suplay ng langis at nagpasirit ng presyo sa halos lahat ng kalakal sa buong mundo. Malubha ang epekto nito sa mamamayang Pilipino na dati nang naghihikahos dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at singil at serbisyo, at nakapakong mga sahod at sweldo. Kinutya nila ang tugong ayuda ni Marcos na napakaliit at limitado. Ito ay habang binigyan niya ng laya ang mga kumpanya ng langis at mga pribadong kumpanya sa yutilidad na itaas pa ang singil sa batayang mga serbisyo.

Samantala, gumulong na ang paglilitis para sa impeachment ni Sara Duterte sa Senado. Litaw mula sa unang araw hangang huli ang gitgitan ng mga senador. Dala ng mas malaking grupo ang adyenda ng pangkating Marcos na pigilan si Duterte na makatakbo sa 2028, habang ang mas maliit na grupo ay ginagawa ang lahat para ibalam, idiskaril at kalauna’y ipawalang-sala si Duterte sa kanyang mga krimen. Nakamasid sa kanilang girian ang mamamayan na ang hangarin ay makita at marinig ang mga ebidensya ng pagkakasala ni Duterte at mahatulan siya sa mga kasong korapsyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Kasabay nito, patuloy nilang sinisingil si Marcos bilang nasa tuktok ng korapsyon sa palpak at ghost na mga proyektong flood control, na kunwa’y isiniwalat niya sa kanyang nagdaang SONA.

Pagkilos laban sa ika-5 SONA ni Marcos, kasado na