Pagpapanday sa makauring pakikibaka ng mamamayang Amerikano
Lalong bumubulusok ang kabuhayan ng mamamayang Amerikano at nagdurusa sa lumalakas na pagbaling sa pasismo ng reaksyunaryong estado ng US na kinakatawan ni Donald Trump. Kasabay nito, umaalagwa ang walang-rendang panggegera at interbensyon ng imperyalismong US sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kahit sa minanipulang datos ng gubyerno ng US, naitala nito noong Nobyembre 2025 ang pinakamataas na tantos ng disempleyo (4.5%) mula 2021. Nasa 10.6% naman ang tantos ng kahirapan sa bansa noong 2024.
Sa pamumuno ni Trump, busog na busog sa supertubo ang malalaking korporasyong Amerikano sa pinansya, komersyo, langis, paggawa ng kotse, mga armas, gamot, mga kagamitang elektroniko at iba pa. Samantala, kabilaan ang pagpapatupad niya ng mga patakaran at hakbanging ultra-Kanan, rasista, pasista, kontra-demokratiko, kontra-imigrasyon, kontra-kababaihan, kontra-LGBT at ultra-nasyunalista.
Sa harap ng lumulubhang krisis sa ekonomya at pulitika, nagbubuklod at kumikilos ang mamamayang Amerikano para sa kanilang karapatan at kagalingan. Isa sa mga pampulitikang pwersa na nangunguna sa pagpapanday sa makauring pakikibaka ng mamamayang Amerikano ang Freedom Road Socialist Organization (FRSO).
Ang FRSO ay isang pambansang organisasyon ng mga rebolusyonaryong nagsusulong ng sosyalismo sa US. Nakikibaka ito para sa hustisyang panlipunan laluna para sa mga manggagawa, mga aping bayan at nasyunalidad. Aktibo rin ang grupo sa mga pakikibaka para sa karapatan ng mga imigrante, kabataang-estudyante at kampanyang kontra-gera. Nagpapalakas ito sa tunguhing magtatag ng isang partido komunista na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo.
Lapat sa pakikibakang masa
Sa panayam ng Ang Bayan, isinaad ng FRSO na sa pag-oorganisa sa uring manggagawa at aping mga komunidad ay napakahalaga ng materyalistang pagtatasa sa kalagayan ng masa. Dapat umanong alamin ang kanilang kalagayan at kung ano ang antas ng kahandaan nila para baguhin ang kanilang sitwasyon. “Ito ang pundasyon ng paglalapat ng linyang masa at paglulunsad ng malalaking pagkilos,” ayon sa FRSO.
Anito, sa hanay ng mga unyon, na organisadong seksyon ng uring manggagawa, sentro ng pagpapakilos nito ang sahod at kalagayan sa paggawa. Batayan rin ng pagpapakilos ang dinaranas na diskriminasyon ng mga manggagawa sa nasyunalidad at kasarian. “Sinisipat namin ang nararamdaman ng masa sa pamamagitan ng panlipunang pagsisiyasat—sa pakikipanayam namin sa kanila,” pagbabahagi ng grupo.
Inaaral ng FRSO ang partikular na mga katangian ng bawat sektor sa kada erya ng paggawa. Halimbawa, mahalagang aralin ang magkakaibang batas na umiiral sa 50 estado na sumasaklaw sa mga unyon sa pampublikong sektor. “Kailangan naming unawain ang mga ito para mapamunuan ang unyon,” ayon sa grupo.
Ibinahagi rin ng FRSO ang maganit na pakikipag-ugnayan sa ibang mga unyon dahil hindi handa ang mga ito na tumindig laban sa mga pag-atake sa uring manggagawa. “Kailangan naming makipagtunggali para ipwesto ang kilusang paggawa sa batayan ng makauring pakikibaka,” anito.
Lagpas sa sektor ng paggawa, inihayag ng FRSO na mayroong nabubuong mga laban at kampanya sa hanay ng mga aping nasyunalidad, kababaihan, LGBT at iba pang sektor. Isa sa mga napamumunuan nitong kampanya ang paglaban sa Immigration and Customs Enforcement (ICE) at maramihang deportasyon.
“Matagal nang nakaugat ang FRSO sa kilusan para sa karapatan ng mga imigrante sa US, na nakapagbigay sa amin ng magandang bentahe para pamunuan ang mayor na mga pagkilos laban sa ICE at adyendang maramihang deportasyon ni Trump,” salaysay ng FRSO. Dahil dito, marami umano ang namulat na hindi lamang ito simpleng rasista at di makatarungan, kundi monopolyo-kapitalistang pang-aapi na dinaranas kapwa ng mga manggagawang Amerikano at imigrante.
Pakikipagkaisa sa mga pwersang kontra-Trump
Malaking hamon sa paglaban ng mamamayang Amerikano ang saklaw at tindi ng mga pag-atake ni Trump. “Napakarami at napakalawak, kaya nagiging imposible ang pagpapaunlad ng mga kampanya o paglaban sa lahat ng mga ito,” ayon sa FRSO. Gayunman, ayon sa grupo, ang tumitinding mga kontradiksyong ito sa US ay napakainam na sitwasyon para sa mga rebolusyonaryong tulad nila na sumulong at magpalakas.
“Nagpapaunlad kami ng isang malapad na prente laban sa adyenda ni Trump,” anito. Nangangahulugan ito na dapat handa ang FRSO na makipagtulungan sa iba’t ibang pwersa kabilang ang mga hindi nito kasundo sa pulitika at ideolohiya. “Sa ganito, nabubukas ang landas sa pag-abot sa milyun-milyong masa.”
Sa tindi ng mga patakaran at hakbang ng rehimeng Trump, milyun-milyong Amerikano na ang nagtungo sa lansangan sa nagdaang dalawang taon para labanan ang mga ito. Layunin diumano ng FRSO na palakasin ang paglaban hanggang maging “ungovernable” o hindi mapamahalaanan ni Trump ang US.
Pagpapalakas sa anti-imperyalistang pakikibaka
Ginagampanan din ng FRSO ang tungkulin nitong makipagkaisa sa mamamayan ng buong daigdig sa pagpapalakas sa anti-imperyalistang pakikibaka sa pusod ng imperyalismo. Naniniwala ang grupo na mula sa Palestine hanggang sa Pilipinas, lahat ng mga aping mamamayan ng daigdig at ang uring manggagawang Amerikano ay mayroong iisang kalaban: ang imperyalismong US. “Kaya naman, seryoso naming tinatanganan ang tungkuling labanan ang imperyalismong US,” anito.
Sa maraming syudad sa US, namumuno at kumikilos ang mga kadre ng FRSO sa mga organisasyong masang kontra gera na patuloy na lumalakas. Aktibong nagpakilos ang FRSO laban sa panggegera at interbensyon ng US sa Venezuela, Iran at Cuba. “Ang pagbigwas sa komun na kaaway na ito ay kinakailangan, at ito ang praktikal na paglalapat ng proletaryong internasyunalismo,” ayon sa FRSO.
Ibinahagi ng grupo na malaki ang naiambag ng pamumuno nito sa mga anti-imperyalistang pakikibaka sa pagsisikap nito sa pagbubuo ng partido. Maraming bagong kadre ang narekrut mula sa pinakaabanteng lider ng kilusang masang ito, anang grupo.
“Napakaraming mga pagsubok, ngunit marami rin ang mga posibilidad,” pahayag ng FRSO.