2 aktibistang pangkalikasan sa Pangasinan, dinukot

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng protesta ang mga grupo sa karapatang-tao ngayong araw, Marso 25, sa Quezon City para kundenahin ang pagdukot ng mga ahente ng AFP at PNP kina Axielle “Jak” Tiong at Francisco “Eco” Dangla III, mga aktibistang pangkalikasan at organisador, sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan noong Marso 24 ng alas-8 ng gabi. Giit nila sa rehimeng Marcos at armadong pwersa nito, kagyat na ligtas na ilitaw ang dalawa.

Ayon sa mga saksi, dinukot ang mga biktima matapos harangin ng isang SUV ang traysikel na sinasakyan nila. Dalawa hanggang tatlong tao mula sa SUV at isa pang sakay ng isang motorsiklo ang nambugbog at nagsakay sa kanila sa sasakyan, ayon sa mga saksi. Naiwan pa umano sa lugar na pinangyarihan ang piraso ng tela na napunit mula sa damit ng mga biktima. Narinig din ang pagsigaw ni Tiong ng tulong.

Si Dangla, 39, ay dating estudyante ng University of the Philippines at kasalukuyang tumatayong tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pangasinan. Habang si Tiong, 29, gradweyt ng Universidad de Dagupan ay koordineytor ng Kabataan Partylist sa prubinsya. Pareho silang tagapagtipon ng Pangasinan People’s Strike for the Environment, grupong naninindigan laban sa planong black sand mining at pagtatayo ng nuclear power plant sa prubinsya.

Bago pa man ang insidente, sina Tiong at Dangla ay ipinailalim ng mga pwersa ng estado sa walang tigil na Red-tagging, pagmamanman, intimidasyon at iba pang porma ng panggigipit. Katulad ito ng karaniwang padron ng panggigipit at kasunod na pagdukot sa mga aktibista at progresibo.

“Ito na ang ika-8 kaso ng pagdukot sa mga aktibista at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao sa Central Luzon at Pangasinan. Sinasalamin nito ang lumulubhang estado ng karapatang-tao sa ilalim ng gubyerno ni Marcos Jr, na patuloy na nagpapatahimik sa mga kritisismo laban sa anti-mamamayang mga programa at patakaran nito,” ayon sa pambansang upisina ng Bayan.

Anang grupo, papapanagutin nila ang gubyerno sa anumang kapahamakan na mangyayari sa mga biktima. “Dapat ligtas na maibalik sa kanilang pamilya at mga kasama ang dalawa,” dagdag pa ng grupo.

Kabi-kabila ngayon ang panawagan ng mga kaibigan, kaanak, mga dating kaklase at kasama ng dalawang biktima para ilitaw sila. Maraming mga grupong pangkalikasan na rin ang nananawagan para ibalik ng ligtas sina Tiong at Dangla.

AB: 2 aktibistang pangkalikasan sa Pangasinan, dinukot