3 sundalo ng AFP, patay; 7 nasugatan sa engkwentro sa BHB
Kinumpirma ngayong araw ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr. Command) ang naganap na engkwentro sa pagitan ng yunit nito at ng 15th IB sa Sityo Malipayon, Barangay San Jose, Sipalay City noong Enero 18.
Dahil sa kakayahang gerilya ng yunit, nagawa nitong agawin ang inisyatiba sa mga sundalo at napinsalaan ng 10 ang kaaway. Tatlo ang kumpirmadong napaslang sa 15th IB habang pitong iba pa ang nasugatan.
Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng yunit ng BHB, 10 minuto ang itinagal ng bakbakan at matapos nito ay ligtas na nakamaniobra at nakaatras ang yunit ng hukbong bayan.
Ibinaling ng mga sundalo ang pasistang bangis sa lokal na populasyon matapos ang naturang engkwentro. Tulad ng ginawa sa Himamaylan City at iba pang bahagi ng Negros, nagpatupad ng militaristang lockdown sa Sityo Tabon-tabon at Sityo Malipayon sa Barangay San Jose, Sipalay City at ang mga komunidad sa katabing Barangay Baclao, Cauayan.
Sapilitang pinagbakwit ang may 200 pamilya o halos 500 indibidwal sa mga eskwelahan at sentro ng barangay. Apektado ng sapilitang pagbabakwit na ito ang kabuhayan ng mga magsasaka at residente.
Sa ulat na natanggap ng BHB-Southwest Negros, pinagbawalan umano ang mga residente na magsaka, bumalik sa kanilang bahay at lumabas sa kanilang sityo. Iligal ding inusisa ng mga sundalo ang mga biniling pagkaing pangkonsumo ng mga residente.
Pekeng engkwentro
Pinasinungalingan naman ni Guerrero ang pinalalabas ng 15th IB na isang engkwentro ang naganap sa Camalanda-An, Cauayan. Ayon kay Guerrero, “mga sibilyan ang kanilang pinaputukan at pinalabas lang na engkwentro.” Ang ganitong disimpormasyon ay bahagi lamang ng taktika ng AFP para bigyang-katwiran ang pinalawig na militarisasyon sa mga komunidad na pinalalabas na mayroong engkwentro.
Nagpapatunay umano ito na walang pagkilala ang AFP sa pagkakaiba ng mga armado at sibilyan.
Sa harap nito, idineklara ng BHB-Southwest Negros: “Handa ang mga Pulang mandirigma ng mamamayan na depensahan ang buhay at kabuhayan ng masa.”