Balita

30 sibilyan, nasugatan sa pumalyang airstrike na bahagi ng war games ng US at South Korea

, ,

Kinundena ng Nodutdol for Korean Community Development, organisasyon ng mga Korean na nakabase sa US, ang isinagawang airstrike ng mga tropa ng United States at South Korea sa Nogok-ri, bayan ng Pocheon, Gyeonggi, South Korea noong Marso 5. Hindi bababa sa 30 sibilyan ang nasugatan sa insidente. Ilang bayan na lamang ang layo ng Pocheon sa North Korea.

Ayon sa mga ulat, walong bombang MK-82 ang “aksidenteng” naihulog ng dalawang South Korean Air Force KF-16 sa komunidad ng Nogok-ri dahil sa maling mga koordineyt (target) na nailagay sa mga makina nito. Ang naturang airstrike ay bahagi ng war games na paghahanda para sa mas malaking war games sa ilalim ng US-South Korea Freedom Shield mula Marso 10 hanggang Marso 21.

Maraming mga kabahayan at gusali ang nasira habang dumanas ng labis na troma at takot sa mga residente. Ang mga bombang MK-82, na gawa ng mga kumpanyang US na General Dynamics at McDonell Douglas, ay may bigat na 500 libras (230 kilo). Ginagamit ang mga ito para mangwasak ng mga istruktura. Lumilikha ito ng butas sa lupa na walong metro ang dayametro at 2.4 metro ang lalim. Ganitong bigat din ng mga bomba (bagaman ibang modelo) ang inihuhulog Armed Forces of the Philippines gamit ang mga FA-50 sa kabundukan at mga bukid.

“Habang bumabangon pa mula sa pagkasira sa kanilang buhay ang mga residente ng Nogok-ri, ang mga awtoridad militar ng South Korea at US ay nagsusulong ng Freedom Shield,” ayon sa Nodutdol. Nakatakdang magsagawa ng 17 pinagsanib na mga war games, mula sa 10 war games noong 2024, sa South Korea sa ilalim ng Freedom Shield 25.

Ang war games ay pinalalabas na isang “ehersisyong pandepensa” ngunit kinabibilangan ng malalaking pagsasanay para palakasin ang “interoperability” ng mga pwersang militar ng US at South Korea. Pagpapainit sa tensyon ang war games laban sa Democratic People’s Republic of Korea at pagpapalakas ng presensyang militar ng US sa rehiyong Asia-Pacific laban sa katunggaling imperyalistang China.

Ayon sa Nodutdol, itinutulak ng US ang mga war games na ito nang walang pahintulot ng mamamayang Korean. Isasagawa pa ito sa kasagsagan ng paglilitis sa pinatalsik na si President Yoon Suk Yeol.

Dahil sa aksidente, pansamantalang isinuspinde ng militar ng South Kroea ang mga war games habang nagsasagawa ng imbestigasyon. Samantala, nanindigan ang meyor ng Pocheon na si Baek Young-hyun na hindi na dapat magsagawa ng katulad na mga war games sa kanilang bayan hangga’t hindi natitiyak ng militar na hindi na mauulit ang katulad na mga aksidente.

Tatlong malalaking pasilidad militar, na may sukat na 12,253 acres o 49.64 kilometero kwadrado, ang nasa bayan ng Pocheon. Ayon kay Baek, mayroon na silang dating karanasan na isinapanganib ng mga war games at pagsasanay sa mga pasilidad na ito ang kaligtasan at buhay ng mga residente.

Samantala, tinugunan ng North Korea ng pagpapaputok ng mga ballistic missile sa karagatan ngayong araw, Marso 10, ang upisyal na pagsisimula ng Freedom Shield 25 ng US at South Korea. Tinawag ng DPRK bilang “paghahanda para sa pananakop” ang malakihang war games na taun-taong inilulunsad.

AB: 30 sibilyan, nasugatan sa pumalyang airstrike na bahagi ng war games ng US at South Korea