Balita

69-anyos na magbubukid, tinortyur at pinaslang ng 15th IB

,

Dinampot, dinala sa gubat, at saka sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 15th IB at mga kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang 69-anyos na magsasakang si Ramon Enseniales noong Hulyo 29 sa Cauayan, Negros Occidental. Tulad sa karaniwang modus ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pinalalabas ng 15th IB na Pulang mandirigma si Enseniales na napaslang diumano sa isang armadong engkwentro.

Sa ulat ng isang residenteng saksi, pinalibutan ng mga sundalo ang tinuluyang bahay ni Enseniales sa Sityo Pasto, Barangay Basak kung saan siya dinampot bago dinala sa gubat. Ilang oras makalipas, nakarinig na lamang ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril. Pinaniniwalaang ipinailalim din sa matinding tortyur ang matanda bago siya pinaslang bandang ala-1 ng hapon.

“Ang pahayag ng kumander ng 303rd IBde na si Brigadier General Joey Escanillas ay taliwas sa pahayag ng mga residente sa lugar, walang engkwentro nga nangyari sa Sityo Pasto,” pahayag ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement South Negros. Naninidigan ang mga residente na sibilyan si Enseniales at walang armas.

Higit isang dekada na rin umanong tinutugis ng AFP-PNP si Enseniales sa mga paratang na tumutulong siya sa rebolusyonaryong kilusan. Ilang beses na siyang nagpalipat-lipat at lumayo sa kanilang komunidad para lamang makaiwas sa karahasan ng militar at pulis.

Anang grupo, hindi na bago ang ganitong gawain ng militar sa kanayunan. “Marami sa mga magsasaka sa Negros ang pinatay at pinalalabas na mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan,” dagdag ng grupo.

Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 67 ang biktima ng pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa isla ng Negros sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa buong bansa, umabot na sa 175 ang naitala ng AB na mga biktima ng pampulitikang pamamaslang sa dalawang taon ni Marcos sa poder.

Iiniulat din ng September 21 Movement South Negros na labis ang takot ng mga residente sa naturang komunidad at mga barangay sa kanayunan dahil “kahit sino na lang ay pwedeng patayin ng mga militar.” Nanawagan ang grupo na wakasan ang militarisasyon sa naturang barangay at kalapit na mga erya. Iginiit rin nila ang hustisya sa pagpatay kay Enseniales.

Samantala, naglabas na rin ng pahayag si Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command), na naglilinaw na hindi nila mandirigma si Enseniales. Nakiisa rin ang yunit ng BHB sa paniningil sa AFP-PNP at rehimeng Marcos sa pagpatay sa matanda.

AB: 69-anyos na magbubukid, tinortyur at pinaslang ng 15th IB