Balita

Di reyalistikong pamantayan ng kahirapan, ginagamit para baratin ang sahod at sweldo ng mga Pilipino

Kabi-kabila na batikos ang inabot ng pamantayang ₱21/kainan para sa ituring na “hirap sa pagkain” at ₱91/araw para ituring na “naghihirap.” Nabunyag ang di reyalistikong mga pamantayan na ito sa mga pagdinig sa Kongreso at Senado kaugnay sa pambansang badyet para sa 2025.

Gamit ang pamantayang ito, ipinagmalaki ng kasalukuyang rehimen na “bumaba” ang bilang ng naghihirap na mga Pilipino mula 18.1% noong 2021 tungong 15.5% noong 2023. Pero higit rito, nagagamit ito ng estado para baratin at ipako ang sahod at sweldo sa napakababang antas.

Mula 2012, ipinatupad sa Pilipinas ang two-tier wage scheme, kung saan itinatakda ang unang andana o “first tier” ng sahod sa “poverty threshold” kada rehiyon. Noong 2023, itinakda lamang ng estado ang pambansang poverty threshold sa ₱13,873/buwan o ₱462.43/araw. Bahagyang mas mataas dito ang pamantayan sa National Capital Region na nasa ₱15,713/buwan. Pinakamababa ang pamatayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa ₱12,884/buwan.

Ang ikalawang andana o “second tier” naman ay ibinabatay sa “produktibidad” ng manggagawa na itinatakda naman ng kumpanya. Binubuo ng first tier halos ang buong sahod dahil hindi inoobliga ng batas ang mga pribadong kumpanya na magtaas ng sahod batay sa produktibidad ng mga manggagawa, gaano man ito kataas.

Dagdag sa pagtatakda ng sahod, ginagamit rin ang poverty threshold sa pagtatakda kung sino ang nangangailangan ng ayuda, o kung magkano ang kailangang ilaan ng estado bilang tulong pampinansya.

Dahil sa masaklaw na epekto ng “poverty threshold” sa milyun-milyong manggagawa at empleyado, marapat lamang na baguhin ito para salaminin ang tunay na pangangailangan ng mga Pilipino, ayon sa Ibon Foundation.

Una, anang Ibon, dapat baguhin ang laman ng “subsistence food basket” o listahan ng mga pagkain na itinakda para mabuhay ang isang tao para maging mas reyalistiko ang listahan ng mga pagkain para sa isang balansyado at malusog na dyeta. Hindi maaaring nudels o mongo lamang ang lagi’t laging kinakain ng mga Pilipino. Gayundin, hindi dapat itinatakda ang presyo ng mga pagkain na ito sa sinasabi ng estado na “pinakamura” na hindi naman makikita sa totoong buhay. Halimbawa nito ang sinabing nudels na ₱7 at ₱4 na 3-in-1 na kape.

Dapat ring aktwal at di gawa-gawa ang kalkulasyon ng pangangailangang “hindi pagkain.” Dapat nakalista rito reyalistikong gastos para sa pabahay, tubig, kuryente, pamasahe, gamot at serbisyong medikal at iba pang batayang pangangailangan.

Sa pag-aaral ng Ibon, mas reyalistikong tingnan ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nabubuhay nang mas mababa sa nakabubuhay na sahod. Anito, nasa 13.7 milyong pamilya ang nabubuhay sa ₱23,000/buwan o mas mababa, habang 19.2 milyon naman ang nabubuhay sa ₱29,000/buwan o mas mababa pa. Anito, kung gagawing pamantayan ang nakabubuhay na sahod, nangangailangan ang isang 5-kataong pamilya ng minimum na ₱28,500/buwan para mabuhay nang disente.

AB: Di reyalistikong pamantayan ng kahirapan, ginagamit para baratin ang sahod at sweldo ng mga Pilipino