Higit 1,000 tropang Amerikano, muling nasa Pilipinas para sa Kamandag war games
Higit 1,000 sundalong Amerikano at iba pang dayuhang tropa ang nasa Pilipinas para sa panibagong Kamandag 8-24 war games ngayong Oktubre 15 hanggang Oktubre 25. Panibagong serye na naman ito ng pang-uupat ng gera ng imperyalistang US laban sa katunggaling imperyalistang China.
Lalahok sa war games ang 1,150 tauhan ng Philippine Marine Corps (PMC), 1,072 tropa ng US Marine Corps, 58 mula South Korea, 54 mula Japan, walo mula United Kingdom, limang Australian, dalawa mula sa France, at tig-isa mula sa Thailand at Indonesia.
Ang mga aktibidad sa ilalim ng taunang Kamandag war games ay itinakda ng Mutual Defense Board-Security Exchange Board na binubuo ng mga upisyal militar ng US at Pilipinas. Layunin nitong palakasin ang kontrol militar ng US sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa PMC, ang pangunahing mga aktibidad ay isasagawa sa eryang saklaw ng Northern Luzon Command, Western Command Joint Operational Areas, at gayundin sa Maynila at Cavite. Ang mga lugar na ito ay nasa kanlurang bahagi ng Pilipinas, na pinakamalapit sa West Philippine Sea, kung saan nagaganap ang maiinit na gitgitan.
Kabilang sa mga aktibidad na ito ang combined arms littoral live-fire sa Burgos, Ilocos Norte, pagpapakana ng humanitarian assistance and disaster relief sa Burgos, amphibious assault, reyd, at counter-landing exercises sa Aborlan at Rizal, Palawan, at porum sa Marine Barracks Rudiardo Brown, Fort Bonifacio, Taguig City.
Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, halos kada dalawang araw ay mayroong inilulunsad na war games ang mga pwersang militar ng US sa kalupaan, kahanginan at katubigan ng Pilipinas. Naitala ang mga war games na ito sa loob ng hindi bababa sa 105 sa 244 araw, kung saan pinakamatagal at walang-patlang mula Abril 7 hanggang Hunyo 21 (76 araw). Sa kabuuan, lumahok sa mga ito ang hindi bababa sa 21,000 tropang Amerikano, mga sundalong Australian, Canadian, Japanese, French at iba pang mga dayuhang tropa.