Balita

Ika-25 Freedom Shield war games ng US at South Korea, ipinatitigil

,

Daan-daang mga aktibista sa United States ang nagprotesta para ipatigil ang paglulunsad ng ika-25 Freedom Shield war games sa pagitan ng mga pwersang militar ng US at Republic of Korea (ROK). Lalahukan ito ng mga armadong pwersa ng iba pang mga bansa. Pinangunahan ng Nodutdol for Korean Community Developments, sa ilalim ng kampanyang US Out of Korea, ang mga demonstrasyon noong Marso 1, kasabay ng malawakang protesta sa South Korea sa araw na iyon.

Ang Freedom Shield 25 ay nakatakdang ilunsad sa Marso 10 hanggang Marso 21 kung saan magsasagawa ng 17 pinagsanib na mga war games, mula sa 10 war games noong 2024, sa South Korea. Sinimulan ang malawakang war games na ito noong 1976 na may layuning painitin ang tensyon ng South Korea sa Democratic People’s Republic of Korea.

Ang war games ay pinalalabas na isang “ehersisyong pandepensa” ngunit kinabibilangan ng malalaking pagsasanay para palakasin ang “interoperability” ng mga pwersang militar ng US at South Korea. Ginagamit rin ito ngayon ng imperyalismong US para higit na palakasin ang presensyang militar sa rehiyong Asia-Pacific laban sa katunggaling imperyalistang China.

Inaasahang gagamit ng malalakas na klase ng armas ang US at South Korea sa mga war games na ito. Libu-libong mga sundalo rin ang lalahok para sa pagsasanay sa paggamit ng mabibigat na pambomba, submarino at mga armas panghimpapawid.

Ipinanawagan ng Nodutdol at mga alyadong grupo nito sa mga protesta na kaagad ihinto ng US ang militarisasyon nito sa South Korea at ang pagpapainit ng gera sa bansa. Inilunsad ang mga demonstrasyon sa New York, San Francisco, Los Angeles, at Seattle.

Sa New York, higit 200 katao ang nagtipon. Hindi naman bababa sa 250 indibidwal ang lumahok sa programa sa San Francisco habang umabot sa 150 ang nagprotesta sa Los Angeles. Nakiisa sa mga pagkilos na ito ang mga migranteng Pilipino sa US sa pangunguna ng lokal na mga balangay ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Higit 100 mga organisasyong nakabase sa US ang pumirma at nag-endorso sa pahayag ng US Out of Korea Campaign na nanawagan kay President Trump na tugunan ang kanilang mga kahingian, pangunahin ang kanselasyon sa Freedom Shield 25.

“Nakikiisa kami sa panawagan ng mamamayan ng South Korea na wakasan ang lahat ng pinagsanib na mga ehersisyong militar ng US at South Korea, at ibayo naming ipinapanawagan ang pagwawakas sa okupasyong militar ng US sa Korea,” ayon kay Winter Oh mula sa Nodutdol.

Pinagpugayan rin ng grupo ang daan-daang libong mga South Korean na nagprotesta sa araw ding iyon para itulak ang pagpapatalsik kay South Korean President Yoon Suk Yeol dahil sa pagdedeklara nito ng batas militar at iba pang mga krimen sa mamamayan. Kabilang din sa panawagan sa higanteng protesta ang pagpapatigil sa Freedom Shield 25.

Ayon kay Ket Maarte ng Bayan Northeast, “alam na alam ng sambayanang Pilipino ang pakiramdam na sinasamantala ang aming kalupaan, katubigan at mamamayan sa ngalan ng interes ng imperyalismong US.” Kaya aniya, napakahalaga at kinakailangang ipakita ng mga Pilipino ang pakikiisa sa pakikibaka para sa ganap na paglaya ng mga Korean at Pilipino.

“Dahil kung babagsak ang US sa isa, babagsak ito sa lahat ng dako,” aniya.

AB: Ika-25 Freedom Shield war games ng US at South Korea, ipinatitigil