Balita

Kababaihang kabataan, magsasaka at doktor, nangungunang mga nominado ng Gabriela Women's Party

, ,

Inianunsyo ngayong araw ng Gabriela Women’s Party (GWP) sa ika-9 na kumbensyon nito sa Marikina City ang magiging mga nominado nito sa eleksyong party list sa 2025. Anang partido, patuloy nilang itataguyod ang kagalingan ng babae, bata at bayan sa kanilang kampanya na muling makakuha ng pwesto sa kongreso.

Dumalo sa kumbensyon ang iba’t ibang organisasyon ng kababaihan kabilang ang Gabriela, Lila Pilipina, Amihan Peasant Women, at Kilusan ng Manggagwang Kababaihan. Dumalo rin dito ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap, Divorce for the Philippines Now, Union of Solo Parents, mga samahan na nagtataguyod sa karapatang-bata at iba pang organisasyon.

Napiling unang nominado ng partido si Sarah Elago, tumatayong konsultant ng GWP sa usapin ng kabataang kababaihan at dating kinatawan ng Kabataan Partylist sa ika-17 at ika-18 Kongreso. Sa kanyang anim na taon sa kongreso, naghain siya ng higit 700 mga panukala na nagsusulong sa kagalingan ng kabataan, kababaihan at karaniwang mamamayan.

Kabilang sa mga ipinanukala niya na naipasang batas ay ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nagbigay ng libreng matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Siya rin ang nasa likod ng batas kontra sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) na nagpalakas sa mga proteksyon laban sa pang-aabusong online sa mga kabataan.

Ikalawang nominado ng GWP ang lider-magsasaka na si Cathy Estavillo. Kasalukuyang tagapagsalita si Estavillo ng Bantay Bigas at pangkalahatang kalihim ng Amihan Peasant Women. Itatampok niya ang mga isyu at karapatan ng mga kababaihang magbubukid para sa lupa, makatarungang presyo ng bilihan ng mga produkto at iba pa.

Magsisilbi naman nitong ikatlong nominado si Dr. Jean Lindo, isang duktor na nakabase sa Davao City. Pangunahing itatampok at itataguyod ni Dr. Lindo ang karapatan sa kalusugan ng kababaihan, bata at ng karaniwang mamamayan.

Ang iba nitong mga nominado ay sina Jacqueline Raquiz ng Kilusang Manggagawa ng Kababaihan, lider-magsasakang si Miriam Villanueva ng Southern Tagalog, Jen Nagrampa ng Bicol, Lucia Franciso mula sa Panay, Emerlina de Lina mula sa migranteng kababaihan, lider-magsasaka na si Jacqueline Ratin mula sa Cagayan Valley, at Prof. Leni Occaciones mula sa Cebu City.

Ayon sa Amihan Peasant Women, naniniwala sila na dadalhin ng GWP ang adyenda ng kakababaihang magbubukid sa loob at labas kongreso para sa karapatan sa lupa, pagkain at laban sa abuso at diskriminasyon. Dagdag pa nila, malaking kaiba ito sa mga political dynasty, mga trapo, kinatawan ng mga panginoong maylupa at haciendero na may kanya-kanyang interes para ipreserba ang kanilang makasariling interes.

Pormal ding idineklara ng GWP ang kanilang suporta sa 11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan kung saan kabilang ang kanilang kasalukuyang kinatawan sa kongreso na si Rep. Arlene Brosas at kauna-unahang kinatawan nila sa kongreso na si Rep. Liza Maza.

AB: Kababaihang kabataan, magsasaka at doktor, nangungunang mga nominado ng Gabriela Women's Party