Balita

Kabataang estudyante sa Iloilo, nagprotesta laban sa pagtataas ng matrikula

,

Nagpiket at namahagi ng polyeto ang mga kabataan at kabataang estudyante sa Iloilo City noong Hulyo 21 para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pagtataas ng matrikula ng mga pribadong unibersidad sa syudad. Sa pangunguna ng mga grupong pambansa-demokratiko, nanawagan sila ng moratoryum sa pagtataas ng matrikula at mas malaking badyet para sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Namigay sila ng polyeto sa mga terminal at mga unibersidad, at nagpiket sa harap ng kampus ng Central Philippine University (CPU) sa Jaro, Iloilo City. Ang CPU ay kabilang sa 22 paaralan sa Iloilo na nagsumite ng panukalang pagtaas ng matrikula sa Commission on Higher Education (CHED) para sa akademikong taon ng 2025-2026.

Umabot sa 15% pagtaas ang panukala ng CPU, habang lampas 6.6% ang ipinanukala ng dalawang kampus ng John B. Lacson Maritime University Foundation, at Western Institute of Technology. Kabilang din sa mga nagpanukalang itaas ang matrikula ang Iloilo Doctor’s College at PHINMA University of Iloilo.

“Ang mga pagtaas na ito ay hindi makatarungan at hindi isinasaalang-alang ang lumalalang kalagayang ekonomiko ng mga pamilyang Pilipino,” pahayag ng Kabataan Party-list (KPL) Panay, isa sa mga grupong lumahok sa protesta. Dagdag pa ng grupo, ipinapanukala ng mga unibersidad ang pagtaas sa panahong nananatiling nakapako at mababa ang sahod ng mga manggagawa, malayo sa halaga ng nakabubuhay na sahod sa bansa.

Anang grupo, “ang anumang pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan ay lalo pang nagkakait sa mga estudyante ng kanilang karapatan sa abot-kaya at de-kalidad na edukasyon.”

Nanawagan ang KPL Panay sa CHEd na ilabas at ipakita sa publiko ang buong datos ng inaprubahan nitong pagtaas ng matrikula at muling suriin ang mga mekanismo ng pagpapahintulot sa pagtataas. Dagdag ng partido ng kabataan, bigo ang sinasabing mekanismo ng CHEd para konsultahin ang mga estudyante tuwing nagtataas ng matrikula.

Pagdidiin nito, dapat kaagad magpataw ng moratoryum ang CHEd sa pagtataas ng matrikula sa mga pribadong unibersidad at paaralan. “Itigil ang mekanismo ng komodipikasyon ng edukasyon at pagsisilbing stamp-pad ng CHEd para sa hindi makatwirang pagtaas ng matrikula ng mga pribadong institusyon,” anito.

Nanawagan rin ang grupo sa rehimeng Marcos na taasan ang badyet sa sektor ng pampublikong edukasyon para mas maraming estudyante ang makapag-aral dito. Kaugnay nito, hinikayat ng KPL Panay ang mga kapwa nila kabataan sa rehiyon na lumahok sa isasagawang demonstrasyong kontra-SONA sa Hulyo 28 sa Iloilo City para singilin at papanagutin ang rehimeng Marcos sa mga krimen nito sa mga Pilipino.

AB: Kabataang estudyante sa Iloilo, nagprotesta laban sa pagtataas ng matrikula