Balita

Panukalang 5% taas-singil sa matrikula sa Adamson University, tinutulan

Nanawagan ang Anakbayan-Adamson University (AdU) sa mga kapwa estudyante nito na magsuot ng kulay itim na damit mula Abril 7 hanggang Abril 11 bilang pagpapakita ng pagtutol sa planong 5% taas-matrikula sa unibersidad. Isinumite ng administrasyon ng Adamson University ang panukalang pagtaas noong Marso 24 sa Commission on Higher Education (CHEd).

“Kaliwa’t kanan nang nagsisitaasan ang mga gastusin; kasabay ng pagtaas ng pamasahe sa LRT, malinaw na hindi na sapat ang kasalukuyang baon natin araw-araw tapos tataas pa ang matrikula kada semestre?” hinaing ng Anakbayan-AdU. Dagdag ng grupo, isa itong malaking pasaning pinansyal at malinaw na banta sa karapatan ng mga estudyante sa edukasyon.

Noong Enero 17, nagkaroon ng “konsultasyon” hinggil sa Tuition Fee Increase (TFI) para sa akademikong taong 2025-2026. Itinulak ng administrasyon ang 5% na pagtaas, na katumbas ng karagdagang ₱2,500 sa matrikula, para umano umagapay sa tumataas na gastusin para sa mga kagamitan na panustos sa mga serbisyo at pasilidad, pati na rin kulang na sahod para sa mga kawani. Noong 2022 huling nagpataw ng taas-matrikula ang unibersidad na umabot sa 5.8%.

“Sa kabila ng matinding pagtutol ng mga estudyante, itinulak pa rin ng administrasyon ng Adamson ang TFI,” ayon sa Anakbayan-AdU. Anang grupo, kinumpirma rin mismo ng direktor ng Office for Student Affairs ng Adamson University na para lamang sa “pormalidad” ang naganap na konsultasyon kasama ang Adamson University Student Government (AUSG), laluna at rekisito ito ng CHEd.

“Kung gayon, may boses pa ba talaga ang mga estudyante sa hinaharap ng kanilang edukasyon, o itinakda na ang desisyon bago pa man sila makapagsalita? Nagpapatunay lamang na walang saysay ang mga ganitong proseso para sa mga apektadong sektor ng mga estudyante,” pahayag ng grupo.

Hamon ng Anakbayan-AdU, dapat magkaisa ang mga estudyante para ipabatid sa administrasyon ang kanilang hinaing. “Ang boses ng isa ay maituturing lamang na bulong sa kanilang mga tainga. Ngunit sa pamamagitan ng pag-oorganisa, kahit ang pinakamahinang bulong ay makapagsisilbing malakas na ingay. Sa pag-oorganisa, ang boses ng mga estudyante na puno ng pagkabagabag ay nagkakaisa’t kayang kumalampag sa mismong pundasyon na tinatayuan ng pamantasan,” anang grupo.

Samantala, naglabas ng pahayag ang AUSG noong Abril 9 na nag-aatras sa kanilang desisyon na “sumang-ayon” sa panukalang pagtaaas ng singil sa matrikula. Matatandaan na “sumang-ayon” ang konseho sa panukala sa naging “konsultasyon” ng administrasyon noong Enero.

Ayon sa konseho, naglabas sila ng pahayag ng paglilinaw kasunod ng paggigiit sa kanila ng mga estudyante at kabi-kabilang mensahe sa kanila. “Iniaaatras na namin ang aming suporta at tumututol kami sa kasalukuyang panukala [na TFI], dahil hindi na kami nananalig sa naganap na proseso,” pahayag ng konseho.

Humingi ng paumanhin ang konseho sa mga estudyante dahil sa kanilang pananahimik hinggil sa isyu at handa silang harapin ang pananagutan at epekto nito. Kinilala nila ang kanilang mga pagkukulang laluna at naramdaman ng mga estudyante na iniwanan sila ng kanilang konseho hinggil sa usapin ng pagtutol sa taas-matrikula.

Ayon sa Anakbayan-AdU, malaking hamon sa mga Adamsonians na ipaglaban ang demokratikong karapatan ng mga estudyante. “Hamon din ito sa AUSG at ang mga Recognized School Organizations (RSO) na magsalita at manindigan para sa interes ng kinakatawan nila,” anito.

“Kolektibo tayong manawagan upang makamtan ang tunay na makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon!” dagdag ng Anakbayan-AdU.

AB: Panukalang 5% taas-singil sa matrikula sa Adamson University, tinutulan