Balita

Kaswalti sa 7-taong gerang agresyon ng Saudi Arabia sa Yemen, umaabot na sa 48,000

,

Pumapasok na sa ikawalong taon ang brutal na digmang agresyon ng Saudi Arabia sa mamamayan sa Yemen ngayong 2023. Ayon sa Eye for Humanity, isang organisasyong nakabase sa Yemen, umaabot na sa 17,734 indibidwal ang napatay at 30,000 ang nasugatan ng mga pwersa ng Saudi Arabia at mga kaalyado nito. Di bababa sa 4,017 sa mga napatay ay mga bata. Ayon pa ring sa grupo, winasak ng Saudi Arabia at mga kaalyado nito ang 14,300 mga bahay, 12 ospital, 64 na eskwelahan at 22 power station sa buong 7-taong agresyong militar nito.

Noong 2022 lamang, nasa 643 sibilyang Yemeni ang napatay sa naitalang 3,000 kaswalti ng agresyon. Sa kabila ito ng idineklarang tigil-putukan na tumagal nang anim na buwan. Kabilang sa mga napatay ang 102 mga bata at 27 kababaihan. Di bababa sa 353 bata at 97 kababaihan ang naitalang sugatan.

Kasabay ng malawakang pambobomba, ipinataw ng Saudi Arabia ang isa sa pinakanakamamatay na blokeyo sa Yemen. Dahil dito, mahigit 70% ng mamamayan sa bansa ay nangangailangan ng makataong ayuda, ayon sa International Committee of the Red Cross. Halos kalahati ng mga pasilidad sa bansa ay di gumagana. Mahigit 4.7 milyong kababaihan at bata ay walang sapat na nakakain at itinuturing na malnourished (o kulang sa sustansya ang katawan). Mahigit 3.3 milyon sa mamamayan ang napalayas sa kanilang mga komunidad.

Sa Sanaa, isinisisi ng mamamayang Houti sa gera at blokeyo ang pagkamatay ng 16% ng lahat ng mga sanggol na premature (o ipinanganak bago ang ikasiyam na buwan) o 80 sanggol ang namamatay kada araw. Ito ay dahil sa kasalatan sa pasilidad at gamot na dulot ng blokeyo.

Sa isang hiwalay na ulat, sinabi ng UNICEF na umaabot sa 11 milyong bata ang direktang apektado ng gera at 2.2 milyon sa kanila ay “severely” o lubhang malnourished. Sangkapat sa mga batang ito ay nasa edad 5-pababa.

Ang agresyon ng Saudi Arabia mula 2015 ay suportado ng paniniktik, payong militar at iba pang lohistikal na suporta mula sa US. Kabilang sa suporta nito ang direktang pag-refuel (pagkarga ng gasolina), maintenance at pagkumpuni ng mga eroplanong pandigma na ginagamit sa pambobomba, gayundin ang mga bomba mismo. Noong Mayo 2022, naghain ang ilang kongresistang Amerikano para sa pag-atras ng suporta ng US sa armadong tunggalian sa Yemen dahil wala itong pahintulot mula sa kanilang kongreso.

AB: Kaswalti sa 7-taong gerang agresyon ng Saudi Arabia sa Yemen, umaabot na sa 48,000