Konstruksyon ng pasilidad militar para sa US sa Aurora, tuluy-tuloy
Tuluy-tuloy ang transpormasyon ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) sa Casiguran, Aurora tungo sa pasilidad para sa militar ng US at mga Amerikanong kumpanya sa armas. Nagaganap ang mga pagbabago kahit hindi kabilang ang Apeco sa “pinagkasunduang lokasyon” sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA, at isa itong sibilyang pasilidad. Inilulusot ang konstruksyon ng mga pasilidad militar ng US bilang sibilyang imprastruktura o pasilidad para sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Noong 2019, nakipagkasundo ang noo’y rehimeng Duterte sa US para sa konstruksyon ng isang daungang pangmilitar sa Casiguran na kunwa’y gagamitin ng Philippine Navy. Ang naturang proyekto (Casiguran Port Construction Project) ay nagkakahalaga ng ₱1.3 bilyon.
Kasabay nito, nasangkot ang US sa pagpapaunlad ng paliparan na nasa loob ng sonang pang-ekonomya. Noong 2020, naibalitang interesado ang US sa pagtatayo ng isang drone base dito bilang bahagi ng pagpapalakas ng presensyang militar nito sa rehiyon.
Ang Casiguran ay nasa silangang bahagi ng bansa na nakaharap sa malawak na Pacific Ocean. Itinuturing ng US na estratehikong lokasyon hindi lamang ang Aurora, kundi pati ang mga isla sa harap nito. Isa rito ang Fuga island na may layong 60 nautical miles mula sa baybay ng Casiguran, na ginagamit ng US bilang “staging ground” sa inilulunsad nitong mga war game sa teritoryong dagat ng Pilipinas.
Karugtong ang pagpapaunlad ng daungan at paliparan sa balak ng US na gawing “logistics hub” ang 1,300-ektaryang sonang pang-ekonomya. Noong Setyembre, pormal na idineklara ang APECO bilang “national defense hub” o pasilid na maaaring lagakan ng tropa, gamit-militar, sistema ng komunikasyon at iba pa. Sinabi rin ni Sec. Gilbert Teodoro ng Department of National Defense (DND) na plano ng AFP na magtayo ng kampo militar mismo sa loob nito.
Kasabay nito, napabalita ang pagpasok ng Amerikanong kumpanyang Newark para higit pang paunlarin ang daungan at ihanda ito sa pagpasok ng mga Amerikanong kumpanya sa armas sa Apeco. Isa rito ang Anglicotech, isang subsidyaryo ng Northrop Grumman na kasalukuyang may operasyon sa Subic Bay Freeport, dati at kasulukuyang binabasehan ng mga tropa ng US.
Ang APECO ay itinayo sa lupang ninuno at lupang agrikultural. Kabilang sa mga napalayas sa konstruksyon nito ang mamamayang Dumagat at Agta na dating naninirahan at nabubuhay sa lugar.