Balita

Kontrata sa PrimeWater ng isang bayan sa La Union, ibinasura dahil sa bulok na serbisyo

,

Inianunsyo noong Mayo 8 ng Metro San Fernando Water District (MSFWD) sa La Union ang pagbasura nito sa joint venture agreement (JVA) o sosyohan sa PrimeWater Infrastructure Corporation dahil sa maraming paglabag nito sa kasunduan. Binawi ng MSFWD ang direktang pangangasiwa, kontrol at operasyon sa serbisyo at suplay ng tubig sa syudad ng San Fernando at apat pang bayan.

Pumasok ang MSFWD at PrimeWater sa isang 25-taong kasunduan noong 2016. Ayon sa pangkalahatang tagapangasiwa ng MSFWD na si Eric Carpina, ibinasura nila ng kasunduan sa ngalan ng “interes ng publiko.”

Aniya, marami silang natanggap na reklamo mula sa mga konsyumer kaugnay ng bulok na serbisyo ng PrimeWater. Inihapag umano ang mga ito sa Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan.

Noong Enero 2, nagpadala na ang MSFWD ng pabatid sa PrimeWater hinggil sa kagustuhan nitong kumalas sa JVA. Mula noon ay pumasok ang ahensya sa 90 araw na pakikipagnegosasyon para ayusin ang gusot ngunit wala umanong ginawang hakbang ang PrimeWater. Natapos ang palugit na ito noong Abril 3. Pinalawig pa ito ng MSFWD ng 30 araw.

Bago pumasok sa JVA ang MSFWD, nakakapagsuplay ito ng tubig sa 63 barangay. Nang patakbuhin na ito ng PrimeWater, 22 barangay ang nawalan ng suplay ng tubig. Ayon pa sa MSFWD, simula pa Abril 2022 ay nagpapadala na ito ng pabatid sa PrimeWater hinggil sa patung-patong na paglabag sa mga obligasyon ng kumpanya ngunit walang itong natanggap na tugon.

Napahayag ng suporta ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos sa mamamayan ng La Union sa pagbawi nito mula sa pribadong kontrol sa serbisyong tubig ng MSFWD. “Ito ay tagumpay para sa panawagan ng mamamayan para sa abot-kaya, maaasahan at pampublikong serbisyo sa tubig,” ayon pa sa grupo.

Idiniin nito ang kanilang panawagan na ibasura ang lahat ng porma ng pribatisasyon sa serbisyo sa tubig na anito ay “humantong lamang sa pagpapahirap at inhustisya sa mga konsyumer at karaniwang mamamayan.”

Nakiisa rin ang Bayan-Ilocos sa lumalakas na panawagan para bawiin at ikansela ang lahat ng mga JVA sa PrimeWater sa buong bansa. “Dapat panagutin ang lahat ng mga responsable sa pagpapabaya sa pampublikong serbisyo,” anito.

Ang PrimeWater Infrastructure Corporation ay kumpanyang pag-aari ng malaking burgesyang komprador na pamilyang Villar.

Sa buong Pilipinas, umabot na sa 161 water district mula sa mga syudad at munisipalidad ang kontrolado ng PrimeWater sa pamamagitan ng mga JVA. Tulad ng sa MSWFD, samutsari ring reklamo ang kinakaharap ng kumpanya dahil sa palpak na serbisyo.

AB: Kontrata sa PrimeWater ng isang bayan sa La Union, ibinasura dahil sa bulok na serbisyo