Balita

"Libreng wifi" ng NCIP sa Rizal, ginagamit para sa sarbeylans sa mga residente

,

Nagpahayag ng pangamba ang mga residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal sa ikinabit ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na “libreng wifi” sa kanilang barangay noong Mayo. Ayon sa ulat ng Kalatas, pangmasang pahayagan ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog, inilagay ang “solar-powered na libreng wifi” para gamitin sa pagmamanman sa mga residente, sang-ayon sa atas ng National Task Force-Elcac.

Ayon sa ulat, mismong ang NCIP ang naglantad sa layunin ng “libreng serbisyo.” Sa isang pulong noong Mayo 24, inatasan ng mga tauhan nito ang mga residente na gamitin ang libreng wifi para “umugnay sa NTF-Elcac at mag-ulat ng mga bali-balita upang panatilihin ang kapayapaan ng barangay.”

Para makagamit, kailangang mag-log-in sa isang page at ilagay ang pangalan, edad at kasarian ng gagamit. Ibig sabihin, iipunin ng NCIP at NTF-Elcac ang personal na impormasyon ng mga gagamit ng serbisyo. Itinayo ang “libreng serbisyo” ng Department of Information and Communications Technology katuwang ang United Nations Development Programme (UNDP) at Broadband ng Masa.

Ayon sa Protect Sierra Madre Network, “Nakababahala ang pagpapatuloy ng notoryus na whole-of-nation approach ng EO 70 kung saan piyesa ng NTF-Elac ang anumang sangay at programa ng [gubyerno] para itulak ang madugo nitong gera kontra-‘insurhensya’ [laban sa mamamayan].”

Sa buong Montalban, tanging ang Barangay San Rafael ang binigyan ng “libreng wifi” ng pambansang gubyerno. Bahagi ito ng militarisasyon ng mga yunit ng AFP na nagsisilbing gwardya sa mapangwasak na Wawa Violago Dam ng Prime Metro Power Holdings Corportation at San Lorenzo Ruiz Builders & Developers Group, Inc. Pagmamay-ari ng mga kroning Enrique Razon at Oscar Violago ang dalawang kumpanya.

Nagdulot na ng patung-patong na kaso ng iligal na pang-aaresto, pagdukot, at pamamaslang ang pagkubabaw ng NTF-Elcac at ng militar sa mga interyor na komunidad na tulad ng sa Barangay San Rafael.

AB: "Libreng wifi" ng NCIP sa Rizal, ginagamit para sa sarbeylans sa mga residente