Balita

Liza Maza, nag-anunsyo ng kandidatura sa Senado sa gitna ng panggigipit ng rehimeng Marcos

,

Inanunsyo ngayong araw, Agosto 15, ni Liza Maza ang kanyang kandidatura para sa Senado sa isang aktibidad na dinaluhan ng mga grupong kababaihan at maralita. Si Maza ang pang-apat na kandidato ng Koalisyong Makabayan para sa eleksyong 2025.

“Ang pulitikang umiiral sa ating bansa ngayon ay pulitika ng iilan. Kaya ngayong darating na halalan 2025, padadagundungin natin ang boses ng masa,” pahayag ni Maza sa kanyang pag-anunsyo.

Suportado ng Migrante Philippines at Migrante International, gayundin ng Gabriela Women’s Party, ang kandidatura ni Maza. Kasama niya sa pagtitipon, na tinaguriang #PulongMaza, ang mga lider sa komunidad, mga myembro ng pambansang minorya, kababaihan at mga migrante.

Malugod na binati ng Koalisyong Makabayan ang anunsyo ni Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party at co-chairperson ng koalisyon.

“Natutuwa kaming isama sa listahan pagkasenador si Liza Maza,” pahayag ng koalisyon. “Magiging malaki ang halaga ng kanyang malawak na karanasan bilang mambabatas at tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan at mga mahihirap na sektor sa Senado.”

Hands-off Makabayan

Samantala, kinundena ni Maza at ng Makabayan ang pagtatangka ng NTF-Elcac at ng rehimeng Marcos na pigilan ang anunsyo sa pamamagitan ng dalawang beses na pagtangging bigyan ng benyu ang aktibidad. Unang binalak na isagawa ang #PulongMaza sa isang komunidad sa Caloocan pero pinagbantaan ng pulis at NTF-Elcac ang mga residente dito kaya napilitan itong ilipat sa ibang lugar.

“Hinahamon ko ang NTF-Elcac, ang mga kapulisan, at si Bongbong Marcos mismo na ipinangangalandakan na siya raw ay kumakalinga sa mga OFW. Hinahamon ko kayo—hands off Makabayan,” pahayag ni Maza.

Tinawag ni Atty. Neri Colmenares, ang co-chairperson ni Maza sa Makabayan, ang panggigipit na “nakaaalarma.”

“Takot na takot ba sila sa senatorial slate ng Makabayan na sobra-sobra ang gagawin nila para pigilan ang simpleng pag-anunsyo?” tanong ni Colmenares. “Lalo lamang nitong pinatatatag ang kapasyahan namin na ipaglaban ang mga karapatan ng mamamayang Pilipino at dalhin ang kanilang boses sa Senado.”

Panawagan ni Colmenares na suportahan ang kandidatura ni Maza, gayundin ng tatlo nang kandidato ng Makabayan na sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party, Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, at Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno.

AB: Liza Maza, nag-anunsyo ng kandidatura sa Senado sa gitna ng panggigipit ng rehimeng Marcos