Balita

Mamamayang Korean, nagbunyi sa pagpatalsik ng presidente ng South Korea

, ,

Upisyal nang napatalsik sa poder si South Korean President Yoon Suk Yeol noong Abril 4 matapos pagtibayin ng Constitutional Court sa isang desisyon ang impeachment sa pangulo. Milyun-milyong Korean ang lumahok sa mga demonstrasyon sa Seoul para salubungin at ipagbunyi ang desisyon.

Si Yoon ay na-impeach ng parlamento ng South Korea noong Disyembre 14, 2024 kasunod ng pagdedeklara niya ng batas militar noong Disyembre 3, 2024. Anim na oras matapos ang deklarasyon, binaligtad ito ng mayorya ng mga mambabatas ng bansa.

Binigyang-matwid noon ni Yoon ang biglaang pagpataw ng batas militar sa diumano’y pangangailangang “apulain ang mga pwersang komunista” mula sa North Korea at kontrahin ang mga “lokal na kalaban” na aniya’y maka-North Korea.

Ayon sa desisyon ng korte, sa pagdedeklara ni Yoon ng batas militar ay “inabandona niya ang kanyang responsibilidad para pangalagaan ang konstitusyon at lubhang pinagtaksilan ang tiwala ng soberanong mamamayan ng Republika ng Korea.”

Dahil napatalsik na sa pagkapresidente, maaari nang maharap sa karagdagang mga kasong kriminal si Yoon. Matatandaan na inaresto si Yoon noong Enero, habang nakaupo pa sa poder, dahil sa kasong insureksyon, na isa sa dalawang kaso na tanging pwedeng isampa sa nakaupong presidente sa South Korea. Ang isa pa ay pagtatraydor.

Sa pagkakatanggal kay Yoon, kinakailangang maisagawa sa South Korea ang isang espesyal na eleksyon sa loob ng 60 araw.

“Kahit na naantala, ito ang inaasahang resulta. Tagumpay ito ng mamamayan na walang-tigil na lumaban sa loob ng 123 araw matapos ang insureksyon ni Yoon,” pahayag ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU). Anang grupo, ang mga araw na iyon ay kumprontasyon sa mga maka-Kanang pasistang pwersa sa South Korea.

Pahayag ng grupo, kahit napatalsik na si Yoon ay kinakailangang patuloy na makipagbuno ang mga demokratikong pwersa laban sa mga maka-Kanang pwersa na nasa People Power Party, midya, mga korte, upisina ng paglilitis, mga institusyon ng gubyerno at relihiyosong organisasyon. “Kung hindi natin maaalis ang mga elementong ito, ang tinatanaw nating ligtas at pantay na lipunan ay magtatapos lamag sa pagpapatalsik kay Yoon,” anang grupo.

Pagdidiin nila, “hindi pa tapos ang pakikibaka ng mamamayan.” Itinutulak ng KCTU na sumulong ang mamamayang Korean para sa komprehensibong panlipunang pagbabago kung saan tinitiyak ang serbisyong publiko, mayroong karapatang mag-unyon ang mga manggagawa, at tinatamasa ng mamamayan ang batayang mga karapatang pampulitika at patas na pagtrato.

Suportado ng Nodutdol for Korean Community Development, organisasyon ng mga Korean na nakabase sa US, ang panawagan ng KCTU. Anang grupo, dapat puntiryahin ng panlipunang pagbabagong ito ang mga ugat ng pang-aapi sa South Korea: “ang kapitalistang sistema na nang-aapi sa mayorya, at ang okupasyong militar ng US na nagtatanggol dito.”

“Mahaba pa ang landas tungo sa paglaya, ngunit ilang ulit nang ipinamalas sa kasaysayan na ang pagkakaisa ng organisado at mulat na uring manggagawa ay isang hindi mapipigilang pwersa,” ayon pa sa grupo.

AB: Mamamayang Korean, nagbunyi sa pagpatalsik ng presidente ng South Korea