Matitinding pagbaha sa Palawan, isinisi sa pagmimina

Lubog sa baha ang bayan ng Brooke’s Point sa Palawan nitong linggo sa walang awat na pag-ulan mula simula ng taon dulot ng “shear line” o pagdudutong ng magkaibang direksyon ng hangin, kakumbina ang mga pag-ulan at low-pressure area. Noong Huwebes, 3,841 pamilya o 18,082 mga residente na ang napilitang magbakwit patungo sa mas mataas na lugar.

Ayon sa mga residente, ngayon lamang sila nakaranas ng ganito katinding pagbaha. Bigla na lamang tumaas ang antas ng tubig sa ilog ng Tigaplan, anila. Ayon sa mga upisyal, noon pang 1975 huling nakaranas ng ganitong pagbaha sa lugar.

Lubos na isinisi ng residenteng si Mary Jean Feliciano ang matitinding pagbaha sa mapangwasak na pagmimina sa lugar. Mula pa Disyembre 28,2022 nakapailalim na ang bayan sa state of calamity dulot ng pagtaas ng ilog.

“Sino ang nanganganib ang buhay at kabuhayan sa mga delubyong dulot ng pagkasira ng kalikasan, mga magsasakang mahihirap, mga katutubo o mga mayayamang negosyante?” himitok niya sa isang post sa social media. “Sinu-sino ang kumikita ng limpak-limpak na salapi pag minimina ang isang lugar, may-ari ng minahan ba o mga trabahador nito? Sino ang naalikabukan, sino ang naaapekuktuhan ang kalusugan sa paglanghap ng hanging me laterite, sino ang malulunod sa baha sa flashfloods dahil sa patuloy na pagbawas ng mga puno sa kabundukan?”

Aniya, hindi sapat ang ilang kilong bigas, nudels at sardinas na buong-pagmamalaking ipinamumudmod ng mga namumutol ng mga puno at gumigiba ng kabundukan. “Dapat ba silang pasalamatan sa mga groceries na ito kapalit ng bilyong bilyong halaga na mula sa ating likas yaman?” bwelta ng upisyal.

Liban sa Palawan, lubog din sa baha ang maraming bayan ng Oriental Mindoro, Albay, Sorsogon at Camarines Sur.

Kasabay naman sa Palawan, ipinailalim din sa state of calamity 22 syudad at munisipalidad sa Samar at Zamboanga del Norte noong nakaraang taon dulot ng matitinding pagbaha.

Inutil na presidente

Sa harap ng mga pagbahang ito, kinundena ng grupong Kalikasan People’s Network ang kawalang-aksyon ng rehimeng Marcos.

“Bukambibig niya ang pagiging proactive sa climate change, pero maraming Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang patuloy na nawawawalan ng kabuhayan at buhay dulot ng masamang epekto nito,” ayon sa grupo. Mas malala, anito, pinaprayoritisa pa rin ni Marcos ang exploration para sa langis at gas, kaalinsabay sa mga mapangwasak na proyektong nagpapalala sa mga epekto ng climate change tulad ng pagmimina.

“Narito ang climate crisis, pero business-as-usual pa rin ang asta ni Marcos Jr sa patuloy na pamumuhunan sa fossil fuels at mapangwasak na mga proyekto,” dagdag ng grupo.

AB: Matitinding pagbaha sa Palawan, isinisi sa pagmimina