Balita

Mga anomalya, kapalpakan ng makina at karahasan, laganap sa araw ng botohan

,

Ayon sa mga ulat sa midya at ng mga election watchdog, batbat ng samutsaring anomalya, mga ulat ng kapalpakan ng makina at karahasan ang araw ng botohan kahapon, Mayo 12.

Pagbukas pa lamang ng mga presinto, dagsa na ang mga reklamo tungkol sa mga “inconsistency” ng mga makina ng Miru. Marami ang nag-ulat ng di tinanggap ang kanilang mga balota dahil sa “overvoting” o sobrang iboto na mga kandidato, gayong tiyak silang tama ang bilang ng kanilang mg ibinotong kandidato at party-list. Naging usapin ang mga “marker” (pentel pen) na ginamit na masyadong makapal ang tinta.

Daan-daang makina ang iniulat na pumalpak, laluna sa Cebu at Batangas. Sa Butuan City, mali ang mga naipadalang balota habang may mga ulat ng pre-shaded ballots sa Misamis Occidental at Sultan Kudarat.

Sa ulat ng Kontra Daya, mahigit 50% ng mga reklamong natanggap nila ay may kaugnayan sa pumalpak na mga makina, kasunod ang iligal na pangangampa, vote buying at nawawalang mga pangalan sa mga listahan ng mga botante. Kahit sa araw na ng botohan, may mga ulat pa rin ng Red-tagging at pagpapalaganap ng mga pekeng balita.

Panawagan ng Kontra Daya na panagutan ng Comelec ang mga anomalyang ito, kasabay ng paggamit nito ng di audited na bersyon ng software sa mga makina pambilang ng boto.

“Hindi responsibilidad ng mga botante ang mga problema sa proseso ng pagboto,” ayon sa Kontra Daya. Habang nananatili ang mga pagdududa sa mga makina at kredibilidad ng proseso sa pagboto, dapat isagawa ng Comelec ang manwal na pagbibilang ng boto, ayon sa grupo.

Nag-ulat din ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nakatanggap ito ng napakaraming reklamo kaugnay sa overvoting at “mismatch” o di pagkakatugma ng mga ibinoto sa inilalabas ng makina na mga resibo. Aminado ang PPCRV na ngayong eleksyon laman sila nakatanggap ng ganoong klaseng mga reklamo. Anito, hindi malalaman kung tugma ang mga boto sa balota sa inirerehistro ng makina, liban na lamang kung manwal na bilangin ang mga ito.

Samantala, iniulat ng PPCRV ang mga anomalya sa pagbato ng Comelec ng mga resulta ng bilangang. Alas-8 ng gabi sa araw ng botohan, inireklamo ng grupo na hindi nito sabay na natanggap ang mga electoral transmission . Anito, ang natanggap nilang 15% ay naglalaman lamang ng “headers” at hindi ng aktwal na mga boto. Lalong naging kaduda-duda ang bilangan nang biglang ibawas ng Comelec ang 5 milyong boto mula sa 15,000 presinto dahil “nadoble” diumano ang pagbilang ng mga ito.

Nanawagan ang PPCRV sa Comelec na maging “transparent” at ipaliwanag ang anomalyang ito. Hanggang ngayong araw, nasa 79.9% pa lamang ang nakikitang resulta ng PPCRV, sa kabila ng iniuulat ng Comelec na natapos na nito ang pagbilang ng 98% ng mga boto.

Mula Enero hanggang April, may naiulat nang 26 insidente ng election-related violence. Sa bisperas at mismong araw ng botohan, laganap ang mga ulat ng barilan at armadong atake na nagresulta sa 16 patay. Naganap ang pinakamatitinding insidente sa Basilan, Negros Occidental, Lanao del Sur at Bohol.

Nagkaroon naman ang maraming insidente paglabag sa gun ban, tangkang mga ambus at bugbugan sa Abra, Cebu, Maguidanao del Sur at Eastern Samar. Sa Pualas, Lanao del Sur, mahigit 80 kalalakihan ang inaresto dahil sa pangggulo sa harap ng Pualas National Highschool kung saan nagaganap ang botohan.

AB: Mga anomalya, kapalpakan ng makina at karahasan, laganap sa araw ng botohan