Balita

Mga estudyante ng UE-Caloocan, nagsindi ng kandila kontra taas-matrikula

Nagtipon ang mga estudyante ng University of the East (UE)-Caloocan sa open field ng kampus sa pangunguna ng mga konseho ng mag-aaral noong gabi ng Enero 24 para batikusin ang panukalang tuition and other fees increase (TOFI) sa susunod na akademikong taon. Nagsindi sila ng kandila kasabay ng paglulunsad ng isang maiksing programa.

Noong Disyembre 16, 2024, inianunsyo ng administrasyon ng UE sa isang memorandum ang plano nitong pagtataas ng matrikula para sa akademikong taon ng 2025-2026. Nakatakdang magkaroon ng serye ng “konsultasyon” ang administrasyon ng UE sa mga konseho ng mag-aaral sa kampus nito sa Caloocan at Manila sa darating na Enero 27 at 28.

Sa ulat ng pahayagang UE Dawn, tinawag ng mga nagprotesta na “hindi makatarungan at makatao” ang planong pagtataas ng singil. Sa panayam ng pahayagan kay UE-Caloocan Central Student Council (CSC) President Karylle Macorol, ibinahagi niyang ang pagtitirik nila ng “kandila ay nagsisilbing pag-ilaw sa isyu, at sa mga pinapatay at pinatay nilang mga pangarap ng mga estudyante.

Ibinahagi din ng iba pang mga presidente at upisyal ng mga konseho ng mag-aaral ang kanilang pagkadismaya sa UE dahil anila ay sunud-sunod ang pagtaas ng singil sa matrikula sa nagdaang mga taon ngunit hindi umuunlad ang kalidad ng edukasyon sa unibersidad. Mayroon din umanong mga estudyante na natutulak na tumigil sa pag-aaral dahil sa taas ng bayarin.

Nanawagan si Macorol sa mga kapwa estudyante ng UE na makiisa sa kanilang pagkilos sa darating na Enero 27, kasabay ng “konsultasyon,” para ipabatid sa administrasyon ang kanilang panawagang “No to TOFI.” Hinimok niya rin ang mga ito na magsuot ng itim na damit sa araw na iyon bilang porma ng pakikiisa sa protesta.

Nagkaroon din ng pagkilos ang mga estudyante ng UE-Manila noong Enero 16 para tutulan ang TOFI. Sa pangunguna ng konseho ng mag-aaral, nagsagawa sila ng tahimik na protesta sa pangunahing gusali ng UE-Manila.

Samantala, nagpadala ng sulat sa Commission on Higher Education Regional Office-National Capital Region ang UE-Caloocan CSC para hilingin ang kanilang presensya sa isasagawang “konsultasyon” para sa TOFI. Itinulak nila ito para mailantad ang mga anomalya sa “konsultasyon” katulad umano ng mga naganap sa nakaraang taon na hindi dumadalo sa aktibidad ang ilang upisyal ng UE.

Liban dito, iginiit ng mga konseho ng UE-Caloocan at UE-Manila ang paglalabas ng administasyon ng UE ng mga financial statement para sa akademikong taon mula 2019 hanggang sa kasalukuyan. Ipinanawagan nila ang mga ito alinsunod sa mga tuntuning nakasaad sa CHED Memorandum Order No. 03 Series of 2012, na nagbalangkas ng patakaran para sa pagtataas ng matrikula.

Ang UE ay nagpataw ng 6% TOFI para sa akademikong taon ng 2024-2025 habang 9.5% TOFI para sa 2023-2024. Pinahintulutan ng CHED ang magkasunod na pagtataas na ito ng singil sa matrikula sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga estudyante, mga konseho at organisasyon ng UE.

Dahil sa serye ng pagtataas, naitala sa UE College of Fine Arts and Design Architecture ang pagtaas sa matrikula kada yunit mula ₱1,527-₱1,608.69 (A.Y. 2022-2023) tungong ₱1,726-₱2,411 (A.Y.2023-2024 na may 9.5% TOFI) tungong ₱1,868-₱2,538 (A.Y. 2024-2025 na may 6% TOFI.) Lumaki rin ang iba pang mga bayarin na siningil sa kanila kabilang ang bayarin sa laboratoryo, silid-aklatan, alumni fee, energy fee, at marami pang iba.

Nagsisilbing presidente at punong upisyal sa usaping pang-akademiko ng UE si Dr. Zosimo Battad. Ang pribadong unibersidad ay pag-aari ni Lucio C. Tan, isa sa pinakamalaking burges-kumprador sa bansa. Tulad ng iba niyang negosyo, nagsisilbi siyang Chairman of the Board at CEO nito.

AB: Mga estudyante ng UE-Caloocan, nagsindi ng kandila kontra taas-matrikula