Balita

Mga kandidato ng Makabayan, tinagpo ang mga magsasaka ng Lupang Ramos

,

Nagsagawa ng town hall meeting o pakikipagpulong ang mga kandidato para sa Senado ng Koalisyong Makabayan sa Lupang Ramos sa Dasmariñas City, Cavite noong Oktubre 2. Ipinahayag nila ang kanilang suporta sa mga magsasaka na patuloy na humaharap sa walang awat na panggigipit at intimidasyon upang palayasin sila sa kanilang lupa.

Mainit silang sinalubong ng mga magsasaka, hindi lamang mula sa Lupang Ramos kundi pati na rin mula sa Lupang Tartaria at mga karatig na lugar. Dumating sa pulong sina Jerome Adonis, Jocelyn Andamo, Ronnel Arambulo, Arlene Brosas, Teddy Casiño, Mimi Doringo, Amirah Lidasan, at Danilo Ramos. Dininig ng mga makabayang kandidato ang mga hinaing ng mga magsasaka tungkol sa patuloy na militarisasyon sa kanilang sakahan at komunidad, na kinabibilangan ng serye ng tangkang pagkampo, pagpasok, at pagred-tag sa Lupang Ramos.

“Dapat maging sentrong usapin ang repormang agraryo sa paparating na pambansang halalan sa 2025, dahil ang lupa ay batayang karapatan at katumbas ng seguridad sa pagkain ng bawat Pilipino,” pahayag ni Ramos, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas said.

Hindi pa nagtatagal nang tinangkang pasukin ng 100 elemento ng pulis at militar sa ilalim ng Task Force Ugnay ng 202nd IB, 2ID Philippine Army ang komunidad ng Lupang Ramos. Tinangka pang ilusot ng mga ito ang pananalakay sa kunwa’y “inspeksyon” para iwasan ang sunog o “fire prevention.” Hindi nila naloko ang mga magsasaka, at malao’y inamin na ang kanilang presensya ay alinsunod sa isang resolusyon ng lokal na gubyerno ng Dasmarinas para “imbestigahan” ang Lupang Ramos bilang “consolidation area for radicalization” ng Partiko Komunista at hukbong bayan. Ang pananalakay na ito ay huli lamang sa sunud-sunod na mga atake ng militar, pulis at lokal na gubyerno sa mga magsasaka at residente ng Lupang Ramos.

“Kasabay ng pangyayaring ito ay sunud-sunod na mga atake rin…sa mga sakahan sa Timog Katagalugan,” pahayag ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK). “Ang ganitong mga kahirapan ang nakikita at danas din ng mga kandidato ng Makabayan Coalition dahil maging sila ay nagmula sa mga uring labis na pinagsasamantalahan at nakikibaka.” Natitiyak nito na isusulong nila ang interes ng mga magbubukid sa Senado, ayon sa grupo.

Ang mga senador ng Makabayan ay tumatakbo sa plataporma para sa agarang ginhawa at pambansang kasarinlan alinsunod sa pambansang demokratikong simulain ng mamamayang Pilipino.

AB: Mga kandidato ng Makabayan, tinagpo ang mga magsasaka ng Lupang Ramos