Mga lider-Lumad sa Surigao del Sur, inaresto ng mga pwersa ng estado
Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao at mga tagapagtaguyod ng karapatan ng katutubo ang pag-aresto ng mga pwersa ng estado sa lider-Lumad Manobo na sina Michelle Campos at Genasque Enriquez. Ayon sa Karapatan, nakatanggap sila ng ulat na inaresto si Enriquez noong Marso 2 at si Campos noong Marso 6.
Sina Campos at Enriquez ay mga kilalang nagtataguyod ng karapatan ng kanilang komunidad sa Lianga, Surigao del Sur laban sa malalaking korporasyon ng pagmimina at pagtotroso. Dahil hitik sa likas na yaman ang Andap Valley na nasa rehiyon ng Caraga, dinumog ito ng mga multinasyunal na korporasyon tulad ng Benguet Mining Corporation, kumpanyan Chinese na Great Wall Mining and Power Crop., ASK Mining and Exploration Corp., Abacus Coal Exploration and Development Corp., at CoalBlack Mining Corp.
Saksi ang dalawang lider sa kakambal na militarisasyon at pagtatambak ng militar sa Andap Valley para protektahan ang interes ng malalaking mina at negosyo. Anak si Campos ng biktima ng Lianga Masaker na si Dionel Campos, isa sa tatlong lider na pinaslang ng mga paramilitar na naganap noong Setyembre 1, 2015. Si Enriquez naman ay dating nagsilbi bilang pangkalahatang kalihim ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon (KASALO), at inaresto siya sa kasong pagpaslang noong 2014 bilang panggigipit.
Nanawagan ang Karapatan sa pahayag nito noong hapon ng Marso 7 na ilitaw si Campos at Enriquez ng mga pwersa ng estado. Anang grupo, dapat kilalanin ang karapatan ng dalawa. Mabilis na lumaganap sa social media ang panawagan ng Karapatan na ilitaw ang mga lider-Lumad sa araw na iyon.
Ilang oras pagkatapos, naglabas ng pahayag ang 401st IBde na nadakip nila sa isang tsekpoynt si Campos at tatlo pang indibidwal noong hatinggabi ng Marso 6 sa Barangay Das-agan, San Francisco, Agusan del Sur. Kasama umanong naaresto ni Campos sina Aldren Baguio, Emelyn Acevido, at Jun Rey Tejero. Pinararatangan ang apat na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Kahapon, Marso 10, nagtungo sa Butuan City ang tim ng Katribu-Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, Tanggol Magsasaka, Karapatan at Agham, para magsagawa ng isang humanitarian mission para tiyakin ang maayos na kalagayan ng mga inaresto. Napag-alaman ng grupo na si Campos ay nasa Democrito O. Plaza Memorial Hospital sa Barangay Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur, habang hindi pa rin natutunton nag kinaroonan at kalagayan ni Enriquez. Iniulat din na pinagbawalan ng mga sundalo na makausap ng kanyang abugado si Campos.
“Bilang mga naarestong indibidwal, mayroong karapatan sina Campos at Enriquez na mabisita ng kanilang pamilya, ligal na kinatawan, manggagawang pangkalusugan at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao,” pahayag ng Katribu.
Anila, hanggang hindi inililitaw si Enriquez at pinagkakaitang mabisita si Campos ng kanyang pamilya at piniling abugado ay nilalabag ang kanilang mmga karapatan alinsunod sa mga kasunduan at lokal na patakaran sa internasyunal na makataong batas. Bumisita rin ang tim sa Commission on Human Rights (CHR) Caraga ngayong araw, Marso 11, para idulog ang kalagayan ng mga biktima.