Balita

Lokal na gubyerno ng Camiguin, tinatangging may katutubo sa prubinsya

Naglunsad ng press conference noong Abril sa Cagayan de Oro ang mga Lumad mula sa Camiguin upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa pagtanggi ng mga lokal na gubyerno sa prubinsya tungkol sa presensya ng mga katutubo sa isla at igiit ang kanilang identidad at pagkakakilanlan ng kanilang tribu.

Sa Resolution No. 48 na ipinasa ng sangguniang panlalawigan ng Camiguin noon pang Mayo 2023, idineklara nitong walang mga katutubo sa probinsya simula pa noong unang panahon. Kalakip nito ang katulad na mga resolusyon mula sa mga munisipyo ng prubinsya. Ayon sa mga katutubo, isang malinaw na pagsupil ito sa kanilang karapatan bilang unang naninirahan sa isla.

Pahayag ni Jurdin Jesus Romualdo, kinatawan ng Camiguin, hindi siya papayag na magkaroon ng katutubo sa prubinsya. Aniya, “kukunin nila ang mga bundok natin kahit may titulo ka ng lupa mo, ang mga buang na IPs i-claim nila sa kanila yun.” Tinawag niyang landgrabber at extortionist ang mga katutubo.

Nagpahayag ng pagkabahala ang Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu), isang pambansang alyansa ng mga organisasyon ng mga katutubo, hinggil sa pagtanggi sa pagkakakilanlan ng tribu ng Kamigin sa pamamagitan ng lokal na batas sa kabila ng sertipikasyon ng pagkilala ng NCIP.

“Ang ganitong hakbangin ay sumasagka sa karapatan ng mga katutubo sa sariling paggugubyerno, na may seryosong implikasyon sa kanilang karapatan, dignidad at kaligtasan.” dagdag ng Katribu.

Itinutulak ni Romualdo sa Kongreso ang HB 9608 kung saan layon nitong tanggalan ng kapangyarihan ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa pagbibigay ng titulo ng lupa para sa mga lupang ninuno, at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lamang ang gagampan nito. Plano rin na magbuo ng Ancestral Lands Adminsitration and Adjudication Board na magreresolba diumano sa mga pinagtatalunang mga lupa.

Ayon sa tumatayong lider-katutubo sa Camiguin, kinilala ng NCIP sa pamamagitan ng desisyon, na Resolution NO 08-22-2019 noong Disyembre 19, 2019 ang kanilang pagkakakilanlan at na bahagi ang kanilang tribu sa 110 katutubong tribu sa buong Pilipinas. Sa kasalukuyan ay mayroong 15,000 katutubo ang nakatira sa Camiguin.

Anila, bago pa maisabatas ang Indigenours Peoples’ Rights Act (IPRA) noong 1997 ay kinilala na ang tribu na Kamigin noong 1990s ng Office for Southern Cultural Communities, ahensya ng gubyerno na binuo noong 1987 sa ilalim ng rehimen Corazon Aquino. May Certificate of Ancestral Domain Claim ang tribu mula sa DENR para 1,006 ektarya lupaing ninuno mula sa tatlong barangay ng munisipyo ng Sagay at 1 barangay sa munisipyo ng Mambajao.

AB: Lokal na gubyerno ng Camiguin, tinatangging may katutubo sa prubinsya