Mangangamkam ng lupa ng mga Lumad sa Bukidnon, pinatawan ng sangsyon ng BHB
Pinatawan ng sangsyon ng Bagong Hukbong Bayan-North Central Mindanao Region (BHB-NCMR) ang isang negosyanteng mangangamkam ng lupa ng mga Lumad sa Barangay Siloo, Malitbog, Bukidnon noong Abril 5. Bilang hakbanging pagparusa sa negosyante sa mga kasalanan sa masa, sinilaban ang pag-aari niyang gusali, makina na ginagamit sa pagpuproseso ng kamoteng kahoy, at paggawa ng cassava chip.
Ayon sa negosyante, hindi bababa sa ₱3 milyon ang kabuuang halaga ng danyos sa ari-arian. Nakumpiska rin ng hukbong bayan ang isang baril at dalawang radyo mula sa mga gwardya at tauhan ng pagawaan.
Sa operasyong sangsyon, tiniyak ng Pulang hukbo ang kaligtasan ng mga manggagawa at tauhan sa pagawaan. Pinalabas sila ng mga Pulang mandirigma mula sa gusali, tinipon at ipinaliwanag sa kanila ang rason at kahalagahan ng armadong opensiba.
Mismong si Police Sergeant Graciano Temano ng istasyon ng pulis sa Malitbog ang nagsabi na wala ni isang manggagawa ang nasaktan sa pagpapataw ng sangsyon ng hukbong bayan.
Bilang hukbo ng masang anakpawis, mahigpit ang disiplina ng BHB sa mga armadong aksyon nito. Tumatalima ang BHB sa mga alituntunin ng digma at rumerespeto sa internasyunal na makataong batas, kabaligtaran ng katunggali nitong Armed Forces of the Philippines.
Ang armadong aksyon ay nailunsad sa kasagsagan ng mga focus militarty operations (FMO) na ilang buwan nang nakababad sa mga komunidad sa Bukidnon at buong Mt. Pantaron Range.