Balita

Mga magsasaka sa Northern Samar, dinakip, tinortyur at pinatay ng 74th IB

,

Dalawang magsasaka sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar ang dinakip ng mga sundalo ng 74th IB noong Hulyo 8. Ang mga biktimang sina Ryan Arnesto at Marlo Turbanada ay nasa koprasan at kumukuha ng uling nang basta na lamang damputin ng mga sundalo. Dagdag sila sa napakarami nang biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa naturang barangay.

Matapos arestuhin, kaagad na pinaslang ng berdugong 74th IB si Arnesto. Sa ulat ng mga residente, nilapastangan ng mga sundalo ang kanyang katawan. Lamog ito sa bugbog at halos hindi na makilala dahil sa pamamaga at mga hiwa ng kutsilyo sa kanyang mukha, mga braso at binti. May tama rin ito ng bala sa leeg, sa ilalim ng dibdib at sa bahaging tagiliran.

Ayon sa nakasaksing mga magsasaka, iginapos si Arnesto sa puno ng niyog, tinalian ang ulo saka hinila-hila at pagkatapos ay niratrat ng bala ng pasistang militar. Kahit wala nang buhay, parang hayop na kinaladkad ang bangkay ni Arnesto patungo sa katabing Barangay Bagacay. Sa nakalap pang impormasyon, ang nagngangalang sundalong “Ringgo” at “Jojo” na kasapi ng yunit sa paniktik ng 74th IB ang bumaril kay Arnesto.

Samantala, ipinailalim ng mga sundalo sa matinding pisikal at mental na tortyur si Turbanada, na isang kabataang magsasaka. Ayon sa mga residente, nakita nilang buhay si Turbanada at sapilitang pinaggigiya ng mga sundalo sa mga operasyong kombat nito laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ang dalawang magsasaka ay malaon nang target ng militar sa kanilang kampanyang “pagpapasurender” laban sa mga sibilyang hinihinalang may kaugnayan at tumutulong sa rebolusyonaryong kilusan. Kabilang din sila sa mga nagpunta sa sentro ng Barangay Osmeña kasama ang ilan pang kababaryo para humingi ng tulong sa mga upisyal ng barangay para mabawi ang kanilang mga kaanak na iligal at walang-batayang ikinulong ng mga sundalo.

Asawa ni Arnesto ang ikinulong ng 74th IB na si Mylene Capoquian noong Mayo 2024, habang ikinulong din ng mga sundalo ang kapatid niyang menor-de-edad noong Hunyo 2.

AB: Mga magsasaka sa Northern Samar, dinakip, tinortyur at pinatay ng 74th IB