Mga manggagawa sa Paperland Inc, nakatakdang magwelga

Naghapag ng notice of strike (NoS) ang mga manggagawa ng Paperland Inc noong Mayo 26 matapos ma-deadlock ang negosasyon para sa collective bargaining agreement nito para sa taong 2022-2025. Nagpasyang magwelga ang mga manggagawa matapos tanggihan ng maneydsment ang lahat ng hinihinging dagdag na probisyon sa ekonomya at pulitika sa binubuong CBA.

Panawagan ng mga manggagawa: “CBA, Wag I-Zero.”

“Ni singkong duling ay walang ibinibigay ang maneydsment,” ayon sa mga manggagawa. Tatlong buwan nang inantala ng kapitalista ang pirmahan ng bagong CBA, at ilang beses na nitong ipinagpaliban ang mga negosasyon sa samutsaring pagdadahilan. Sa huli, binawi pa nito ang napagkaisahan nang mga probisyon.

“Wari’y nakalimot na yata kung sino ang lumilikha ng tubo nila,” batikos ng mga manggagawa sa kumpanya. Apat na taon na silang walang dagdag na sahod. Noong panahon ng pandemya, pumayag silang hindi muna tumanggap ng dagdag-sahod matapos humingi ang kumpanya ng “kunsiderasyon.” Pangako ng maneydsment noon, magdadagdag ng ₱9 sa sahod sa ika-5 taon.

Ang Paperland Inc ay isang kumpanyang gumagawa pangunahin ng “industrial paper” o papel na ginagamit sa packaging, shipping at pagmamanupaktura. Matatagpuan ang Paperland sa Balintawak, Quezon City.

AB: Mga manggagawa sa Paperland Inc, nakatakdang magwelga