Mga maralita, nagprotesta kontra-gutom at taas-presyo

,

Nagtipun-tipon at nagprotesta ang mga maralita mula sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-San Roque sa gilid ng komunidad nila sa Quezon City noong Enero 13. Giit nila: Itigil ang taas-presyo! Sahod, itaas, presyo, ibaba!

Ayon sa pambansang tanggapan ng Kadamay, tugon ang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at kumakalam na sikmura ng maralita.

“Sobra na ang lumalalang kahirapan at kagutumang dinadanas nating mamamayan,” pahayag ni Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Pumalo sa 8.1% ang tantos ng implasyon sa bansa noong Disyembre 2022, pinakamataas ito sa nakaraang 14 taon.

Sa kalkulasyon ng Ibon Foundation, nasa ₱1,140 kada araw na ang kailangan ng isang lima-kataong pamilya para mabuhay nang disente, mula sa ₱1,130 noong nakaraang mga buwan. Kasabay nito, dagdag na hinila pababa ng implasyon ang tunay na halaga ng arawang sahod sa Metro Manila na ₱570 tungong ₱490 na lamang (₱494 noong Nobyembre 2022).

“Habang yung presidente’t bise presidenteng nangako ng 20.00/kl ng bigas at pagtataas sahod walang inatupag kung hindi ang magpakasaya at mag tampisaw sa milyon-milyong panggastos mula sa Confidential fund,” patutsada ni Doringo.

Walang-tigil ang pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin laluna ng pagkain. Ang presyo ng sibuyas ay pumalo na tungong P600 kada kilo.

Samantala, sisimulan nang kunin ngayong Enero ang dagdag-singil sa yutilidad na tubig sa Metro Manila nang P8.04 kada cubic meter para sa Manila Water habang P3.29 kada cubic meter ang sa Maynilad. May pangamba ring itataas ang pamasahe sa LRT.

AB: Mga maralita, nagprotesta kontra-gutom at taas-presyo