Balita

Mga protesta kontra lantarang dayaan sa eleksyong 2025, inilunsad

,

Kabi-kabilang demonstrasyon at piket ang inilunsad ng mga progresibong partido at demokratikong sektor sa iba’t ibang bahagi ng bansa para batikusin ang lantarang dayaan at maruming halalan noong Mayo 12. Pinangunahan ang mga pagkilos ng Kontra Daya at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Noong Mayo 13, nagmartsa ang mga raliyista patungong Manila Hotel sa Maynila kung saan naglulunsad ng pambansang bilangan ang Commission on Elections (Comelec). Pinuna nila ang napakaraming iregularidad sa eleksyon na naitala ng Kontra Daya at iba pang mga nagbantay sa araw ng halalan.

Pagbukas pa lamang ng mga presinto, dagsa na ang mga reklamo tungkol sa mga “inconsistency” ng mga makina ng Miru. Marami ang nag-ulat ng di tinanggap ang kanilang mga balota dahil sa “overvoting” o sobrang naiboto na mga kandidato, gayong tiyak silang tama ang bilang ng kanilang mg ibinotong kandidato at party-list. Naging usapin ang mga “marker” (pentel pen) na ginamit na masyadong makapal ang tinta.

Sa ulat ng Kontra Daya, mahigit 50% ng mga reklamong natanggap nila ay may kaugnayan sa pumalpak na mga makina, kasunod ang iligal na pangangampa, vote buying at nawawalang mga pangalan sa mga listahan ng mga botante. Kahit sa araw na ng botohan, may mga ulat pa rin ng Red-tagging at pagpapalaganap ng mga pekeng balita.

Panawagan ng Kontra Daya na kaagad panagutan ng Comelec ang mga anomalyang ito, kasabay ng paggamit nito ng di audited na bersyon ng software (mula sa bersyong 3.4 tungong 3.5) sa mga makina pambilang ng boto. Giit nila, dapat isagawa ang manwal na bilangan ng boto para makita ang tunay na resulta ng halalan.

Nakiisa sa protesta ang Gabriela Women’s Party na kinundena ang napansin nilang biglang pagkalatas ng 50,000 boto sa kanilang partido habang isinasagawa ang automated na bilangan. Dahil dito, nasa bingit ng pagkatanggal sa pusisyon sa House of Representatives ang Gabriela.

“Nanawagan kami sa lahat ng bumoto at sumuporta sa atin na kumilos at ipaglaban na muling makabalik ang sole women’s representation sa kongreso para isulong ang karapatan at kagalingan ng kababaihan, bata, LGBTQ+, at bayan,” pahayag ni Rep. Sarah Elago, unang nominado ng partido.

Ayon sa Bayan, “sa anim na beses na paglulunsad ng automated elections, tila umuulit at nadadagdagan pa ang mga anomalya na kinakaharap ng mamamayan tuwing panahon ng eleksyon.” Malinaw umanong ipinakikita nito na madaling manipulahin ang AES upang umayon pangunahin sa interes ng rehimeng Marcos, gayundin ng paksyong Duterte.

Paninindigan ng grupo, “walang integridad ang kasalukuyang halalan.” Anito, dapat kumilos para singilin ang rehimeng Marcos sa malawakan at sistematikong pandaraya sa halalan.

Sa araw ding iyon, naglunsad ng protesta ang mga grupo at partido sa Iloilo City at Cavite City. Noong Mayo 14, muling nagprotesta ang Gabriela Women’s Party sa Manila Hote at nagkaroon din ng demonstrasyon sa Quezon City, Trece Martires City sa Cavite, Batangas, Laguna, Aklan, at Cebu.

AB: Mga protesta kontra lantarang dayaan sa eleksyong 2025, inilunsad