Planong "pangkapayapaan" ni Marcos at NTF-Elcac, recycled na panunupil
Kinundena ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang inilabas kamakailan ng rehimeng Marcos na Memorandum Circular No. 83 na nag-institusyunalisa sa National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025–2028.
Ayon sa dalawang grupo, pinanatili lamang ng planong ito ang dati nang mapanupil na pamamaraan para “makamit ang kapayapaan.” Itinakda ni Marcos bilang “lead agency” sa planong ito ang NTF-Elcac, alinsunod sa “whole-of-nation approach.”
“Ang sinasabi nilang “whole-of-nation approach,” sa totoong buhay, ay isang nirecylce na estratehiyang kontra-insurhensya na sinubukan, nabigo at ngayon ay binigyan ng bagong mukha,” ayon sa NUPL.
“Binabalewala nito ang mga ugat sa armadong tunggalian at sa halip ay umaasa sa gawa-gawang mga kaso, hindi makatotohanang mga salaysay, pekeng re-integrasyon, at koordinadong Red-tagging ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at kritiko.”
Ipinagmamalaki ng rehimen at NTF-Elcac ang NAP-UPD bilang “blueprint” para “gapiin ang armadong paglaban ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan” pagsapit ng 2028.
Sa ilalim ng NAP-UPD, “isasara” ng NTF-Elcac ang kunwa’y “mga gripo” na inaakusahan nitong sumusuhay sa armadong paglaban. Wala itong ibig sabihin kundi ang pagpapatuloy sa ginagawa na ngayon ng NTF-Elcac na laganap na pagsasampa ng gawa-gawang kaso ng “financing terrorism” laban sa mapagkawanggawang mga organisasyon at manggagagawang pangkaunlaran.
Isinasara ng NAP-UPD ang pinto sa negosasyong pangkapayapaan.
“Sinasabi ng memorandum na ang planong ito at blueprint para “tapusin ang insurhensyang CPP-NPA-NDF at ang armadong tunggalian” pero wala itong banggit sa paglutas sa mga ugat na dahilan ng armadong tunggalian at wala rin itong komitment para muling buksan ang usapang pangkapayapaan,” ayon kay Renato Reyes, presidente ng Bayan. “Katunayan, animo’y isinasara ng MC at NAP-UPD ang pinto sa usapang pangkapayapaan at binibigyan-daan ang bigong mga pasistang hakbang na iniulit-ulit ng kada nagdaang
“Isinasara nito ang prospek ng negosasyon at iniiwasan ang mga kundisyon na nagluluwal ng armadong sigalot: kawalang lupa, kawalang trabaho, panunupil at sistemikong ekslusyon,” ayon sa NUPL.
“Sa katapusan, mabibigo ang NAP-UPD dahil hindi nito kinikilala na ang armadong tunggalian ay istorikal na resulta ng panlipunang kawalang katarungan at di pagkakapantay-pantay at na ang tunggalian na ito ay iiral hanggang walang naipatutupad na makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal,” ayon kay Reyes.