Balita

Organisador ng kababaihan at magbubukid, iligal na inaresto sa Camarines Norte

, ,

Iligal na inaresto ng 85th IB noong Agosto 2 ang 19-anyos na si Fatima Banjawan sa Santa Elena, Camarines Norte. Tinortyur siya at pilit na pinaamin na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ng mga sundalo. Si Banjawan ay organisador ng mga magsasaka at myembro ng Gabriela Southern Tagalog.

Ayon sa Tanggol Camarines Norte at Karapatan-Bicol, dinala si Banjawan sa kampo ng 85th IB at pinagkaitan ng due process ng mga sundalo. Tatlong araw na siyang ipinaiilalim sa saywar habang nasa kostudiya ng mga sundalo.

Piniringan siya at tinakot ng hindi bababa sa 10 sundalo. Tinutukan siya ng baril at sinabihang siya mismo ang paghuhukayin sa sarili niyang libingan.

Nang malaman ng pamilya ni Banjawan ang pag-aresto sa kanya, agad silang nagtungo sa kampo ng militar, kasama ang mga kasapit ng Gabriela at Karapatan-Southern Tagalog at Karapatan-Bicol. Sa panahong iyon ay napag-alaman nilang dinala siya sa Provincial Hall of Justice sa bayan ng Daet, Camarines Norte upang sumailalim na sa “inquest.”

Ngayong araw, Agosto 5, napuntahan at nakausap na ng kanyang pamilya si Banjawan, kasama ng mga paralegal ng Karapatan sa Provincial Hall of Justice sa Daet. Dito niya naisalaysay ang mga pang-aabuso ng mga sundalo sa kanyang mga karapatan.

Panawagan ng grupo na kaagad palayain si Banjawan, at tinawag ang pag-aresto sa kanya na pampulitikang panggigipit.

AB: Organisador ng kababaihan at magbubukid, iligal na inaresto sa Camarines Norte