Balita

Overseas na pagboto ng mga Pilipino para sa eleksyong 2025, batbat ng kapalpakan

,

Nagpahayag ng pagkabahala ang Migrante International sa natatanggap nilang mga ulat mula sa mga migranteng Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo hinggil sa mga kapalpakan at kahirapan sa pagboto online para sa eleksyong 2025. Ayon sa grupo, mayroong mga ulat ng bigong pagtatangka na makapag-“pre-enroll” at iba pang nakadidismayang karanasan sa online na pagboto.

Ayon sa grupo, hindi sapat ang impormasyon ng maraming Pilipino hinggil sa proseso ng pagboto sa ibayong-dagat. Hindi rin umano alam ng maraming botante na inilipat na tungong sistemang online ang pagboto (online voting system o OVS) mula sa dating automated voting system.

“Akala ng ilan na maaari pa rin silang bumoto sa mga presinto,” pahayag ng Migrante. Hindi nila alam na kailangang mag-pre-enroll at kung mabibigong gawin ito ay hindi sila mapahihintulutang makaboto online kahit pa nasa listahan sila ng mga maaaring bumoto sa ibayong-dagat.

Liban pa, inireklamo ng Migrante International na walang kahit anong paraan na matitiyak ng mga migranteng Pilipino na tamang naitatala at nabibilang ang kanilang boto. “Hindi tulad sa nakaraang mga eleksyon, na naglalabas ng resibo ng ibinoto ang mga makina, hindi nakakatanggap ang mga kababayan natin matapos bumoto sa OVS,” anang grupo.

Nababahala ngayon ang mga migranteng Pilipino sa posibilidad ng pandaraya sa eleksyon dahil sa ganitong maanomalyang proseso.

Samantala, ayaw isiwalat ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa ang bilang kung ilan na ang mga nakapag-pre-enroll at aktwal na nakaboto simula noong Abril 13. “Pagbali ito sa kadalasang kalakaran na iniaanunsyo araw-araw ang bilang ng mga bumoto,” ayon pa sa Migrante International.

Hinaing ng grupo, mayroong malinaw na kawalan ng transparency sa bagong sistemang ito na lalo lamang makapagpapataas ng kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa eleksyong midterm ngayong 2025.

Nanawagan ang Migrante International sa Commission on Elections (Comelec) na kaagad tugunan ang patung-patong na mga isyung ito na kinahaharap ng mga migranteng Pilipino. “Nananawagan kami sa Comelec na bumalik na lamang sa manwal na paraan ng pagboto sa Pilipinas at ibayong dagat,” anito.

Babala nila, kung hindi magbabago ang palpak na botohan ay higit isang milyong migranteng Pilipino ang mapakakaitan ng karapatang makaboto. “Walang ibang dapat sisihin dito kundi ang gubyernong Marcos,” pahayag ng grupo.

Nagpahayag rin ng pagkabahala sa palpak at batbat ng anomalya na OVS ang Computer Professionals’ Union (CPU) at Kontra Daya.

AB: Overseas na pagboto ng mga Pilipino para sa eleksyong 2025, batbat ng kapalpakan