Pag-update sa makinang pambilang sa boto, kinwestyon; manwal na pagbibilang, itinulak
Kinwestyon ngayong araw ng grupong Konta Daya ang pag-update ng Commission on Elections (Comelec) sa software ng mga automated counting maching (ACM) na gagamitin bukas sa araw ng botohan. Ang software na ito ay hindi dumaan sa sertipikasyon ng Technical Evaluation Committee, anito.
Ayon sa grupo, ang bersyon na ginagamit sa Final Testing and Sealing ng mga ACM ay 3.5.0, gayong ang bersyong may sertipikasyon ay 3.4.0. Isiniwalat ni Atty. Harold Respicio ang naturang “update” nang mapansin niya ang pagkakaiba ng bersyon ng software sa dokumentong nakapaskil mismo sa website ng Comelec.
Ang pagkakaibang ito ay nagdulot ng mga kwestyon sa transparency at seguridad ng de-makinang sistema ng botohan. Kabilang sa mga tanong sa naturang update ay kung bakit ito binago, kung ano ang mga binago sa code nito, at kung bakit hindi ipinaalam sa publiko ang pagbabago.
Dahil hindi ito nakilatis ng independyenteng mga grupo, maaaring nilakipan ito ng code na pwedeng magmanipula sa resulta ng eleksyon, tulad ng dagdag-bawas sa mga boto ng mga kandidato at partido, ayon sa Kontra Daya.
“Dapat ipaliwanag ng Comelec kung bakit ang bersyong updated ng software na walang TEC certification ang ginagamit ngayon ng mga automated counting machines,” pahayag ng Kontra Daya nitong Mayo 11, isang araw na lamang bago ang botohan. “Kung bigo ang Comelec na isinawalat ang prosesong ito, may dahilan para pagdudahan ang resulta ng eleksyon.”
Ayon sa grupo, hindi dapat na bulag lamang na pagkatiwalaan ang mga makina, at dapat bukas sa pagbusisi ng publiko ang mga internal na proseso nito para matiyak na tama ang inirerehistro nitong mga boto.
“Hindi ito simpleng “tech issue” na dapat pagkasunduan ng mga eksperto sa IT,” ayon sa grupo, “Dapat managot ang Comelec sa di nito pagsunod sa tamang proseso sa final testing at sealing ng mga ACM, at sa paglalagay nito sa alanganin ng integridad ng buong de makinang sistema sa eleksyon.”
Dati nang batbat sa kontrobersiya ang kaligtasan at seguridad ng pagggamit ng ACM ng Miru Systems, lalupa’t kilala ang kumpanyang ito sa mga dinaya at palpak na eleksyon sa ibang bansa.
Naniniwala ang Kontra Daya na tanging sa manwal na pamamaraan matitiyak na tama ang bilangan ng boto.
“Ito lang ang paraan para mabantayan natin ang ating mga boto,” ayon sa grupo. “Mas mabuti na yung mabagal pero sigurado kasa mabilis pero di naman tiyak (ang resulta).”
Nananawagan ang grupo sa mamamayan na maging mapagbantay, iginigiit ang transparency at labanan ang lahat ng tipo ng pandaraya sa eleksyon.