Pagbubuo ng mga Marcos ng “sovereign fund,” mariing tinutulan

Mariing tinutulan ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor ang planong pagbubuo ng isang “sovereign fund” gamit ang kanilang pinaghirapang pensyon. Ang planong ito ay itinutulak ng pamilyang Marcos. Batid ng marami na gagamitin lamang ng mga Marcos ang pondong ito para kopohin ang pondo ng bayan, at kasabay nito, magsilbing daluyan ng nakaw nilang yaman nakalagak sa mga sikretong bank account sa loob at labas ng bansa.

Hands off our retirement funds! Ito ang kanilang tugon sa pakanang “Maharlika Investment Fund” o MIF na ipinanukala ng pamilyang Marcos sa Kongreso noong Nobyembre 23. Ang isang sovereign fund ay pondong tiniiton ng estado mula sa “sobrang pondo” nito para ipamuhunan sa iba’t ibang negosyo o proyekto.

Inihapag nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pinsan ni Marcos, at anak niyang si Senior Deputy Majority Leader Sandro ang House Bill 6398 para buuin ang MIF. Iniraratsada ito ngayon ng kanilang mga alipures sa Kongreso tulad ni Rep. Joey Salceda at Rep. Stella Quimbo. Minamadali nila ang pagbubuo ng konsehong mamamahala dito sa loob ng anim ba buwan.

Kukunin ang bulto ng pondo ng MIF mula sa GSIS (₱125 bilyon) at ang dadag na pondo mula sa SSS (₱50 bilyon), Land Bank of the Philippines (₱50 bilyon) at Development Bank of the Philippines (₱25 bilyon). Obligado ring maglaan ang gubyerno ng “puhunan” na ₱25 bilyon para rito. Dagdag dito, kukuha ng 10% ang MIF sa mga remitans ng OFW, 10% mula sa kontribusyon ng mga call center at 10% ng kita ng PAGCOR. Lahat ng ito’y ipaiilalim sa kontrol ng isang “konseho” na pamumunuan mismo ni Ferdinand Marcos Jr.

Kaagad itong tinutulan ng mga kinatawan ng Makabayan sa Kongreso.

“Una, ang problema dito ay di na nga makapagbigay ng maayos na benefits ang mga pension agencies (tulad ng) Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) tapos isusugal pa sa investments na walang katiyakan,” ayon kay Rep. France Castro, House Deputy Minority Leader at kinataan ng ACT Teachers party-list. “Pangalawa, nakakabahala at nakakaduda na ang kumpanyang itinayo ng mga (nagpapanukala) ang siyang mag-iinvest sa pera na di naman sa kanila. Maliban sa usapin ng conflict of interest ay mukhang magiging pugad din ito ng korapsyon.”

Dagdag ni Rep. Castro, ang pagtatatag ng mga sovereign wealth fund ay ginagawa lamang ng mga bansa kapag mayroon itong sobrang pondo. “Kumbaga sa mga indibidwal, makakapagtabi ka lang naman ng pang investments kung sobra ang pera mo sa pagkain at iba pang mga pangangailangan diba? Ganun din sa isang bansa: Maraming gutom, walang trabaho, kailangan ng ayuda, may pandemya pa, etc. May ipapang invest pa ba sa lagay na yan?” aniya. Kinwestyon niya kung paano magkakaroon ng sobrang pondo ang gubyerno gayong ang laki-laki na ng inuutang nito.

Diretsahan ding sinabi ni Rep. Castro ang duda ng marami na gagamitin lamang ng mga Marcos ang MIF para maglinis ng pera mula sa nakatago nilang mga deposito sa bangko sa labas ng bansa. Sa ibang bansa, paulit-ulit nang napatunayan na manipis lamang na tabing para sa korapsyon ng mga nasa pwesto ang mga “sovereign fund.” Isang halimbawa ang paggamit ng sovereign fund ng Malaysia na 1Malaysia Development Berhad (1MDB) bilang palabigasan at para sa moneylaundering ng dating prime minister ng bansa na si Najib Razak. Nakulong si Razak nang mapatunayan ang pagkasangkot niya sa korapsyon sa 1MB.

Tinawag naman ng Ibon Foundation ang MIF na “pretentious” o mapagkunwari, kadududa-duda, maka-sarili at lantarang pagtatangkang pakinabangan ang pondo ng bayan. Kinutya nito ang pagpangalan dito ng “Maharlika” ng mga Marcos, na isinunod sa pekeng yunit gerilya ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr noong panahon ng gera laban sa Japan.

“Kadududa” dahil ang konsehong mamamahala dito ay hindi mapaiilalim sa mga batas na nagtitiyak sa interes ng publiko sa mga kalakaran nito. Sa gayon, pwedeng ilagak ng konseho ang bilyun-bilyong pondo saanman o kaninuman naisin nito, tulad ng mga kroni at pinaborang mga negosyante at upisyal. Sa taya ng Ibon, aabot sa ₱618 bilyon ang hahawakan ng MIF sa pangalawang taon nito, mula sa panimulang pondo na ₱275 bilyon.

Mapagkunwari ang MIF dahil walang katotohanan ang sinasabi nitong “rising star” ng Asia ang bansa, ayon sa grupo. Nangunguna sa Asia sa usapin ng kahirapan, kawalang trabaho at nagtataasang presyo ang bansa. “Kung totoong may sobrang pondo ang gubyerno… mas mabuting gamitin ito para sa mas kagyat na ayuda, subsidyo sa sahod, suporta sa maliliit na negosyo, pampublikong mga eskwelahan at ospital.”

Ayon sa grupo, kung sersoyo talaga ang gubyerno na pataasin ang rebenyu, mas maige ang pagpapataw ng buwis sa mga bilyunaryo o sa halaga ng pag-aaring real estate kahit sa ilan lamang sa pinakamayamang mga Pilipino.

AB: Pagbubuo ng mga Marcos ng “sovereign fund,” mariing tinutulan