Panalangin para sa malinis at matapat na eleksyon, isinagawa sa Ilocos Norte
Naglunsad ng isang pagtitipon at panalangin ang Kaammoyo ti Kappia (KTK) para sa payapa at malinis na eleksyon sa Laoag City, Ilocos Norte noong Mayo 9, ilang araw bago ang halalan 2025. Anang grupo, nagsisimula ang tunay na demokrasya sa pagkakaroon ng isang malinis at matapat na eleksyon sa prubinsya at bansa na sumasalamin sa kagustuhan ng mamamayan laluna ang mga mahihirap na sektor.
Ang prubinsya ng Ilocos Norte ay balwarte ng pamilyang Marcos. Hindi bababa sa limang Marcos ang kumakandidato sa matataas na pusisyon sa prubinsya tulad ng pagkagubernador, at bise-gubernador. Kandidato rin ang anak ni Presidente Ferdinand Marcos Jr bilang kinatawan ng unang distrito ng prubinsya.
“Ang tunay na halalan ay nangangahulugan na ang bawat boto ay mahalaga, bawat tinig ay naririnig, at walang sinuman ang pinipilit,” ayon pa sa grupo. Taliwas at sagka umano sa ganitong hangarin ang katiwalian, pagbili ng boto, Red-tagging, at pananakot na patuloy na nagbabantang sirain ang demokrasya. Pahayag ng grupo, “tama na.”
Sa harap ng ganitong mga anomalya at karahasan, nanawagan ang KTK sa Commission on Elections, mga organisasyong sibil, mga komunidad ng pananampalataya, at sambayanang Pilipino na maging mapagbantay. “Ang mga kandidato na lumalabag sa karapatang-tao, pinatatahimik ang pagtutol, o nagsisilbi sa interes ng ibang bansa ay dapat iwaksi,” anito.
Pinuna ng grupo ang walang-tigil na pananakot sa mga aktibista, militarisasyon sa kanayunan, pang-aabuso laban sa katutubong mamamayan, at mga huwad na ‘pagpapasuko’ sa ilalim ng administrasyong Marcos sa kasagsagan at lagpas pa sa panahon ng eleksyon.
“Ang malinis na halalan ay hindi lamang pag-iwas sa pandaraya—kailangan nito ng kalayaan mula sa takot, tunay na pagpipilian, at mga lider na iginagalang ang karapatang-tao,” pahayag ng KTK. Kailangan umanong wakasan na ang siklo ng paghalal sa mga nang-aapi sa mga taong kanilang sinasabing pinaglilingkuran.
Hamon ng grupo sa mga botante: “alalahanin natin ang kasaysayan, tanggihan ang pulitika ng takot, at bumoto nang may tapang at konsensya.”
Ngayong halalan, sinabi ng KTK na kaisa nito ang mamamayan ng Ilocos Norte at ng bansa para sa pananagutan, dignidad, at tunay na paglilingkod.