Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag, ginunita ng mga mamamahayag
Nagtipon noong Mayo 2, isang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag, ang mga grupo ng mamamahayag at mga alyadong organisasyon sa University of the Philippines (UP)-Diliman College of Media and Communication para patuloy na ipaglaban at ipanawagan ang malayang midya at pamamahayag. Nagsagawa ng porum at piket protesta ang mga grupo kabilang ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa kampus.
Sa piket, nagtirik sila ng mga kandila at inalala ang mga kapwa mamamahayag na namatay habang gumagampan ng tungkulin sa pamamahayag. Nanawagan rin sila ng hustisya sa patung-patong na mga kaso ng pag-atake at paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, nakapagtala ang NUJP ng 177 kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag. Pinakahuli sa mga kasong ito ang pagpaslang sa beteranong mamamahayag na si Johnny Dayang sa Kalibo, Aklan noong Abril 29. Tampok na kaso rin, ayon sa NUJP, ang patuloy na pagkukulong ng rehimen sa mamamahayag pangkomunidad na si Frenchie Mae Cumpio.
Si Cumpio ay isang mamamahayag ng Eastern Vista, alternatibong midya sa rehiyon ng Eastern Visayas. Inaresto siya kasama sina Marielle “Maye” Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines, Alexander Philip Abinguna, Mira Legion at Marissa Cabaljao sa isang reyd ng mga pulis noong Pebrero 7, 2020 sa kanilang upisina. Sinampahan sila ng kasong illegal possession of firearms.
Matapos ang higit isang taon, sinampahan naman sila ng kasong “financing terrorism.” Pinalalabas ng estado na ang pondong nasamsam mula sa kanila ay para umano sa mga operasyon ng Bagong Hukbong Bayan na pilit nitong binabansagan bilang “teroristang organisasyon.”
Ang kaso ni Cumpio ay tinagurian ng One Free Press Coalition bilang isa sa 10 pinakakagyat na kaso kaugnay ng malayang pamamahayag sa buong mundo.
Sa 2025 World Press Index ng Reporters Without Borders, nasa ika-116 pwesto ang Pilipinas sa kabuuang 180 bansa. Ang pwestong ito ay mas mataas sa dating ika-134 pwesto ng bansa gayunman idiniin sa pag-aaral na dahil ito sa pangkalahatang pagtindi ng kalayaan sa pamamahayag sa buong mundo. “Sa aktwal, hindi ito nangangahulugan ng mas mabuting kalagayan para sa karaniwang manggagawa sa midya,” pahayag ng NUJP.
Walang tigil rin ang mga atake sa mga mamamahayag pangkampus. Sa datos ng CEGP, mayroong 206 kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa mga pahayagang kampus sa nagdaang taon lamang. Kabilang dito ang mga usapin ng pagsesensura, pagtatanggal ng pondo, pagmamanman at pagbabansag ng mga pwersa ng estado sa mga mamamahayag bilang terorista. Mayroon pang 30 naiulat na kaso na kasalukuyan pang sinusuri ng CEGP.
Ayon sa grupo, sa kabila ng mga bantang ito ay nananatiling matatag ang mga mamamahayag pangkampus. Anito, sa kolektibong pagsisikap, napabasura nila ang mapang-abusong mga patakaran, napanagot ang mga abusadong administrador, at naipagtanggol ang mga karapatan bilang susing sektor sa loob ng mga akademikong institusyon.
Pinangunahan ng mga mamamahayag pangkampus ang aktibibdad sa Naga City at Bulacan noong Mayo 3 bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag.
Nanawagan rin ang CEGP sa mas aktibong pagbabantay at pagtatanggol sa karapatan ng mga mamamahayag sa harap ng papalapit na araw ng halalan sa Mayo 12. “Ngayong papalapit ang halalan, sa gitna ng mga tumitinding atake, kailangan nating mas magmatyag at magbigkis para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” ayon kay Brell Lacerna, pambansang tagapagsalita ng CEGP.