Balita

Panggigipit ng pamilyang Araneta sa mga residente ng Pangarap Village sa Caloocan City, binatikos

Binatikos ng Bayan Muna Partylist-Camanava ang ilang araw nang panggigipit ng mga tauhan at gwardya ng Carmel Development Incorporated (CDI), kumpanyang pag-aari ni Gregorio Araneta III, sa mga residente ng Pangarap Village at mga estudyante at guro sa Pangarap Village Elementary at High School sa District 3, Caloocan City.

Nakapasok pa ang mga guro sa paaralan noong Hulyo 29 ngunit kinabukasan ay pinigilan na sila ng mga gwardya. Dahil dito, napilitang ikansela na lamang ang pasok sa araw na iyon hanggang sa kasalukuyan. Pero noong Hulyo 30, kinandado na ng armadong mga gwardya ang tarangkahan papasok sa lugar. Pagdadahilan ng CDI, nakatirik ang mga eskwelahan sa lupang pribado na pagmamay-ari nito.

Ayon kay Bayan Muna Partylist chairman Atty. Neri Colmenares, ang pagsasara sa eskwelahan ay direktang paglabag sa karapatan sa edukasyon. “Hindi katanggap-tanggap na ipauna ang interes ng pribadong kumpanya sa karapatan sa edukasyon ng kabataan,” aniya.

Samantala, sa halip na ipagtanggol ng Department of Education ang karapatan ng mga bata na makapag-aral, naglabas ng School Memorandum No.35 S.2024 ang District Office ng DepEd Tayo Caloocan City na nag-aatas na tanggalin ang mga estudyante ng paaralan na hindi mga residente ng Pangarap Village. Lubos na maapektuhan nito ang mga estudyanteng mula sa Mt. Heights, Ciudad Real, Sapang Alat, Adeline, at karatig na mga barangay ayon sa Bayan Muna Partylist-Camanava.

Inaatasan din ng DepEd ang mga advisers ng Pangarap Elementary School at Pangarap High School na kausapin ang mga magulang ng mga maaapektuhang estudyante. Sila ang pinapaharap sa mga tiyak na aalma at mahihirapang mga magulang.

Nagpapatuloy hanggang ngayong araw ang panghaharas ng mga gwardya sa mga taga-Pangarap. Sa ulat ng Bayan Muna Partylist-Camanava, nag-ikut-ikot ang mga tauhan ng CDI sa kabahayan dahil hinahanap ng mga ito ang mga residenteng nagreklamo at nagpabatid ng kanilang isyu sa midya. Pagbabahagi pa ng grupo, galit na galit ang mga gwardya na tumutugis sa mga residente.

Ang mga panggigipit na ito ng mga gwardya ay bahagi ng pag-angkin ni Araneta, bayaw ni Ferdinand Marcos Jr, sa 156-ektaryang Pangarap Village. Saklaw ng eryang ito ang Barangay 181 at 182 ng Caloocan City kung saan may humigit-kumulang 40,000 residente. Ilang dekada na silang nakararanas ng samutsaring panghaharass, pananakot, at demolisyon mula sa CDI. Kabilang sa mga taktika ng pamilyang Araneta ang pagputol sa kuryente, tubig at araw-gabing pagbabantay ng mga gwardya nito sa mga residente.

AB: Panggigipit ng pamilyang Araneta sa mga residente ng Pangarap Village sa Caloocan City, binatikos