Balita

Panimulang ebidensya laban kay Duterte, isinumite na ng prosekusyon sa ICC

,

Isinapubliko kamakailan ng taga-usig ng International Criminal Court na si Karim Khan ang nakalap nitong ebidensya para sa pagdinig para ikumpirma ang mga kaso laban kay Rodrigo Duterte na nakatakda sa Setyembre ngayong taon. Ayon kay Khan, ang prosekusyon ay mayroon nang hindi bababa sa 421 dokumento, siyam na larawan, at halos 16 na oras ng mga audio at video recordings, at na lahat ito’y ihahapag sa korte. Aniya, madadagdagan pa ang mga ito habang papalapit ang pagdinig sa kumpirmasyon ng mga kaso.

Sa pagdinig na ito pa lamang itatakda ng ICC kung itutuloy ang paglilitis kay Duterte sa mga kaso ng pagpatay bilang isang krimen laban sa sangkatauhan. Ang paglalahad ng bilang at katangian ng mga ebidensya, na isinapubliko sa website ng ICC, ang maglalarawan sa “patuloy na malawakang pamamaslang” na unang isinampa sa ICC noong 2017.

Binanggit ni Khan na patuloy pang nangangalap ng ebidensya ang prosekusyon. “Nasa proseso kami ng pagtukoy sa kabuuang dami ng nakasulat at hindi nakasulat na dokumentaryong ebidensya na balak naming gamitin sa pagdinig sa pagkumpirma,” aniya. Karamihan sa mga ebidensyang inilahad na ay mula sa aplikasyon para sa arrest warrant na inihain kay Duterte noong Marso 12 at naging ligal na batayan sa pagpailalim niya sa kustodiya ng ICC at kasalukuyang detensyon niya sa The Netherlands. Kasama sa mga iniharap ni Khan ang 8,565 pahina ng nakasulat na ebidensya.

Naniniwala ang mga abugado ng mga biktima na mahalaga na masusing suriin ng ICC ang ebidensyang ito upang matiyak ang pananagutan para sa mga biktima ng gera kontra droga. Kasama sa ebidensya ng prosekusyon hindi lamang ang mga dokumento kundi pati na rin ang mga audio at video recording na maaaring magbigay ng mahahalagang pananaw sa mga operasyon ng kampanya ni Duterte laban sa droga. Ang mga materyales na ito ay maaaring maging mahalaga sa pagpapakita na sistematiko ang karahasan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Habang papalapit ang pagdinig para sa kumpirmasyon, ramdam ng mga biktima at kanilang mga pamilya ang emosyunal na pasanin sa paghahangad ng hustisya.

“Umaasa kami sa mga proseso sa ICC. Isang malaking pag-unlad ito para sa amin na halos isang dekada nang naghahanap ng katarungan,” ayon kay Sheerah Escudero, may kapatid na naging biktima ng huwad na gera kontra droga.

Anim sa bawat sampung Pilipino (62%) ang sang-ayon sa pag-aresto at paglilitis ng ICC kay Duterte, ayon sa isang sarbey ng WR Numero Research Poll noong Abril 11. Isinagawa ang sarbey sa pagitan ng Marso 13 hanggang Abril 7. Paniniwala ng mga sumang-ayon na malaki ang magiging papel ng paglilitis sa pag-ungkat ng katotohanan kaugnay sa mga pagpatay sa ilalim ng gera kontra-droga. Nasa 61% naman ang naniniwalang mahalaga na litisin rin sa ICC ang iba pang sangkot sa gera kontra-droga.

AB: Panimulang ebidensya laban kay Duterte, isinumite na ng prosekusyon sa ICC