Balita

Paunang mga ebidensya laban kay Rodrigo Duterte, inilatag ng mga tagausig ng ICC

, ,

Naglatag at nagbigay na ng 181 aytem ng ebidensya sa kampo ni Rodrigo Duterte para sa kanilang pagsusuri ang Office of the Prosecution sa Pre-Trial Chamber 1 ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 24. Ayon sa ulat na inilabas ng korte, tinawag ang mga dokumentong ito bilang “INCRIM package 001.”

Ang pagbibigay ng mga dokumentong ito sa kampo ni Duerte ay alinsunod ito sa proseso ng “pagsisiwalat ng ebidensya” na tinitiyak na ipinaalam ang mga ebidensya sa suspek.

Ayon sa mga tagausig, laman ng dokumentong ipinadala nila ang mga materyal at ulat na isinaad sa inilabas na mandamyento de aresto laban sa kanya sa kasong krimen sa sangkatauhan, partikular ang pagpatay.

Napailalim sa kustodiya ng ICC sa The Hague si Duterte noong Marso 12 matapos arestuhin ng mga pulis ng Pilipinas noong Marso 11. Unang beses siyang humarap sa korte noong Marso 14 para tiyakin ang kanyang pagkakakilanlan, ilahad ang kanyang mga karapatan at basahin ang kasong isinampa sa kanya.

Nakatakda ang susunod na pagdinig ni Duterte sa korte sa Setyembre 23 na panahon para kumpirmahin ang reklamong isinampa sa kanya. Tumatayong punong abugado ni Duterte ang British-Israeli na si Nicholas Kaufman.

Samantala, nagpapatuloy ang panawagan ng mga grupo sa karapatang-tao at mga kaanak ng biktima ng madugong gera sa droga ni Duterte na mapanagot at mahatulang maysala ang punong berdugo. Sa taya ng mga grupo sa karapatang-tao, hindi bababa sa 20,000 at hanggang 30,000 ang pinaslang sa gera sa droga.

Maglulunsad ang mga grupo ng malawakang protesta sa Pilipinas at labas ng bansa sa darating na Marso 28, sa ika-80 kaarawan ni Duterte. Pangunahing panawagan sa araw ng protesta ang sigaw na hustisya para sa lahat ng biktima ni Duterte.

AB: Paunang mga ebidensya laban kay Rodrigo Duterte, inilatag ng mga tagausig ng ICC