Petisyon para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod, isinampa ng mga manggagawa sa NCR
Nagpiket ang mga manggagawa mula sa National Capital Region (NCR) sa pangunguna ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-NCR kasabay ng pagsasampa ng petisyon para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod noong Mayo 22. Itinaon nila ang pagkilos at pagsumite sa ipinatawag na konsultasyon sa sahod ng RTWPB NCR.
Kabilang sa mga nagpetisyon para sa nakabubuhay na sahod ang Nagkakaisang Samahan ng Manggagawa ng Regan (NSMR-ADLO), Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa ng Manila Bay Thread Corp. (PLMMBTC-ANGLO), ang Samahan ng Manggagawa ng Philippine Span Asia Carrier Corp. (SM-PSACC), at mga manggagawang kontraktwal. Nangalap rin ng pirma ang UWIN katuwang ang Workers’ Initiative for Wage Increse (WIN4WIN) ng Calabarzon at Central Luzon Wage Increase Now (CLWIN) bilang suporta sa panawagan.
Ayon kay Charlie Arevalo, tagapagsalita ng UWIN, obligasyon ng estado na tiyakin ang nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa. Gayunman, aniya, “nabigo ang [Regional Wage Board] na wastong sukatin ang obhetibo at kongkretong halaga ng minimum na sahod ng mga manggagawa sa buong bansa at naging instrumento pa nga para pigilan ang makatarungan, disente at nakabubuhay na sahod alinsunod sa ating Konstitusyon.”
Aniya, ang mga katulad nilang manggagawang dumaraing sa mabaang sahod at napakataas na gastos araw-araw ang buhay na patunay ng kabiguan ng estado. Paliwanag niya, kahit ang pinakamataas na minimum na sahod ngayon sa bansa na ₱645 sa NCR ay hindi sapat para sa gastusin ng isang 5-kataong pamilya.
Huling nagkaroon ng umento sa sahod ng mga manggagawa sa NCR noong Hulyo 2024. Sa Calabarzon at Central Luzon naman, nagpatupad ng dalawang serye ng taas-sahod sa pagitan ng Setyembre 2024 at Abril 2025. Tanging nasa ₱450 hanggang ₱550 ang minimum na sahod sa dalawang rehiyon, at nahahati pa sa iba-ibang antas batay sa klasipikasyon ng munisipalidad.
“Kaya ang panawagan namin ay ₱1,200 nakabubuhay na sahod sa buong bansa,” pagdidiin ni Arevalo.
Nanawagan din ang UWIN sa papasok na ika-20 na Kongreso ngayong Hunyo 30 na gawing prayoridad ang nakabimbin noon pang Pebrero 2025 na panukalang batas na magdadagdag ng ₱200 sa sahod ng manggagawa sa buong bansa. “Kahit na kakarampot, ang ₱200 dagdag sahod ay mahalaga para sa pambansang antas at isinabatas na dagdag sahod,” ayon kay Arevalo.