Simbahan at mamamayan, nagkaisa laban sa panukalang plantang nukleyar sa Pangasinan
Tumindig ang mamamayan ng Pangasinan laban sa planong pagtatayo ng plantang nukleyar sa bayan ng Labrador. Noong Enero 4, nagsama-sama sa isang misa ang iba’t ibang grupo at mga taong-simbahan para tutulan ang plano. Sinundan ito ng protesta sa bayan.
Inilunsad ang misa sa St. Isidore the Farmer Parish sa pangunguna ni Most Rev. Napoleon Sipalay Jr ng Diocese of Alaminos. Noong Disyembre 2025, hindi bababa sa 30 lider ng Simbahang Katolika ang nagpahayag ng pagtutol sa planong pagtatayo ng plantang nukleyar sa prubinsya.
Tinututulan ng mga residente ang planta dahil sa usapin ng kaligtasan, panganib sa kalikasan, at masamang epekto nito sa mga susunod na henerasyon. Kabilang sa nakiisa sa pagkilos ang Pangasinan People’s Strike for the Environment (PPSE).
Ang ipinapanukalang 1,000-megawatt na plantang nukleyar ay nagkakahalaga ng ₱255 bilyon. Sasaklaw ito ng 120 ektarya. Sinasabing maaari pa itong paunlarin sa hinaharap para magprodyus ng kuryenteng hanggang 6,000 megawatts.
Ang proyekto ay itinutulak ni Rep. Mark Cojuangco, kinatawan ng ikalawang distrito ng prubinsya. Nagsisilbi rin siyang pinuno ng espesyal na komite ng House of Representatives sa nukleyar na enerhiya. Ibinabandera ng kinatawan na makakatulong ang proyekto sa pagpapababa ng singil sa kuryente sa prubinsya.
Ayon sa PPSE, hindi plantang nukleyar ang solusyon sa krisis sa kuryente at kahirapan. Anang grupo, naitala sa nagdaang karanasan ng mamamayan na hindi kailanman nagiging libre o mura ang kuryente sa kamay ng mga dambuhalang negosyo. Sa halip, lalo pa itong nagmamahal at nareresulta sa pagkakamal ng supertubo ng iilan.
Dagdag nito, nariyan din ang panganib sa buhay, kalikasan, at kabuhayan ng mamamayan na dala ng maaaring pagpalya ng plantang nukleyar na itatayo sa isang disaster prone area. Ang bayan ng Labrador ay binabagtas ng East Zambales Fault na bahagi ng Lingayen Gulf Fault System.
Nananatili rin umano ang problema ng nuclear waste na aabutin ng daang libong taon ang pagiging radioactive o mapaminsala sa kalusugan ng tao. Anang PPSE, hindi “renewable energy” ang nukleyar taliwas sa inilalako ng mga nagsusulong nito dahil ang mismong nuclear fuel na gagamitin para mapatakbo ito ay manggagaling mula sa mga mina sa ibang bansa.
Sa halip na plantang nukleyar, nanawagan ang PPSE para sa programa para sa paglilinang sa lokal na alternatibo at renewable energy kaalinsabay ng pagsuporta sa ating mga siyentista, mananaliksik, at inhinyero para sa tunay na pambansang pag-unlad.
“Naninindigan din tayo na batayang karapatan ng mamamayan ang sapat at wastong impormasyon lalo na sa mga proyektong may kinalaman sa kanilang kinabukasan,” ayon sa grupo. Tugon nila ito sa sinasabing “suporta” ng mamamayan sa naturang proyektong nukleyar.
“Ang kanilang pagsang-ayon o pagtutol sa mga proyekto ay dapat dumaan sa tunay na demokratikong mga konsultasyon at hindi dapat itali sa ayuda o kapalit ng serbisyo na dapat nilang tamasain,” pahayag nito.
Ang pagpapahintulot ng gubyerno ng Pilipinas sa pagtatayo ng mga plantang nukleyar ay nakabalangkas sa bagong tatag na Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM). Ang ahensya ang magiging responsable sa pagbibigay ng lisensya, pangangasiwa at pagsunod sa mga tuntunin ng paggamit ng enerhiyang nukleyar.