Takot at pagkamuhi dulot ng airstrike at forced evacuation sa mamamayan ng Hacienda Intal sa Cagayan
Malaking dagok sa kabuhayan at mental na kalusugan ng mga magsasaka ng Hacienda Intal ang nangyaring pambobomba mula sa himpapawid ng mga tropa ng 501st Infantry Brigade Philippine Army at Tactical Operation Group 2 – Philippine Air Force (TOG2-PAF) sa ilalim ng direktiba at pamumuno ng Northern Luzon Command (NolCom). Naganap ang nasabing airstrike sa Purok Erya na malapit sa Sityo Birao, Brgy Hacienda Intal, Baggao, Cagayan noong Pebrero 2. Lugmok na nga sa utang at lugi dala ng magkakasunod na bagyo noong nakaraang anihan, sumahol pa ang kalunus-lunos nilang kalagayan matapos bagsakan ng mga bomba at paulanan ng bala ang kanilang mga sakahan at maisan.
Kabilang sa kanila ang mag-asawang magsasakang sina Susan at Boyet na nasa sakahan noong panahon ng pambobomba. Kumaripas sila ng takbo nang marinig at yanigin ang lupa ng sunud-sunod na istraping at bomba. “Nagpapahinga kami noon. Katatapos lang naming magside-dress (maglagay ng abono sa maisan) ni lakay nang gulatin kami ng magkakasunod na putok at pagsabog,” maluha-luhang wika ni Manang Susan habang nagsasalaysay. Aniya, hindi pa rin siya nakatutulog nang maayos. “Bigla na lang akong manginginig kapag naririnig ko ang tunog ng mga helicopter na araw-araw umiikot sa tapat namin. Hindi na rin ako pinapatulog ng gabi-gabing tunog ng hindi ko mawari kung eroplano ba o kung anong bagay na lumilipad at paikut-ikot lang sa ere,” dagdag niya.
Hindi lamang pambobomba ang ginawa ng militar sa lugar. Ipinailalim din ito sa matinding militarisasyon kung saan mahigpit na minanmanan at hinigpitan ang kilos ng mga residente. Ayon pa sa magsasakang si James, “nakiusap akong kahit isang sako lang ng saba ang ibababa ko para sa lingguhan alawans ng mga anak ko pero pinagbawalan nila ako.” Pinagpipilitan daw ng mga militar na sembreak (o walang pasok) naman ang kanyang mga anak kaya hindi na kailangang maghanapbuhay. “Kung tutuusin, kulang na kulang ang limang kilo ng bigas para sa pamilya ko lalo na’t walang katiyakan kung hanggang kailan kami ganito.”
Laking gulat naman ni Joshua nang minsang umakyat sila para magpakain ng mga alagang hayop nang madatnan niya ang kalapaw (kubo) nilang animo’y dinaanan ng malakas na bagyo. “Sobrang kalat! Pinagtatapon ang mga gamit namin sa labas ng bahay. Hinalughog at pinasok nang walang pahintulot ng mga nag-ooperasyon na sundalo ang aming kubo.” Natatakot din siya na hindi agad makahingi ng saklolo kung may mga emergency dahil pinagbawalan silang magdala ng selpon sa bundok.
Samantala, malaking abala rin kay Rina ang pagbabakwit nila sa kasagsagan ng sembreak. Isa siyang katutubong Agay na nasa Grade 12. Sa pag-aakalang makakapagpahinga mula sa napakaraming gawain sa eskwela at panahon din para makatulong sa mga trabaho sa bukid, laking dismaya at lungkot niya na sa mga kakilala nila muna sila pansamantalang tutuloy dahil sa malawakang ebakwasyon.
“Malaki sana ang maitutulong kong magside-dress ng mais at sa mga gawaing bahay lalo na’t may malubhang sakit si Nanay. Dahil pinalikas kami, si Tatay lang ang makakaakyat doon sa lugar namin at para lamang asikasuhin ang kalabaw at iba pang alagang hayop.”
Nag-aaalala na rin si Bobby sa nagkakaubusan na sedula. Aligaga na ang mga tao sa biglaang pagpaparehistro at pagpapasedula na bigla ring nagmahal. “Noong nagbabanta pa lang ang mga sundalo na bobombahin ang Arimit, agad kaming nagpasedula dahil natatakot kaming paghinalaang NPA. Kahit maglilipat lang kami ng kalabaw ay magdadala kami ng National ID baka bigla kaming macheck-point sa aming mga bukirin.”
Tulad ng iba pang nagbakwit, malaking dagok sa kanila ang ginawang terorismo mula sa ere maliban pa sa restriksyon sa kabuhayan at paggalaw. Puno pa rin ng takot at pangamba ang mga residente dahil sa nagpapatuloy na pagpapalipad ng mga attack helicopter, reconnaisance planes at mga drone.
Sa kasalukuyan, lumalakas ang sigaw at panawagan ng mga residente at mamamayan ng Baggao na itigil ang aerial bombing at forced evecuation at palayasin ng mga militar sa kanilang mga komunidad. Nananawagan din sila sa iba’t-ibang ahensya na imbestigahan at kundenahin ang dumaraming kaso sa paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
___
Ulat-koresponsal mula sa BHB-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command)