Balita

"Tuloy ang laban," pahayag ng Koalisyong Makabayan matapos ang eleksyon 2025

,

Matapos ang araw ng halalan noong Mayo 12, ipinahayag ng Koalisyong Makabayan ang pasasalamat sa lahat ng mga tagasuporta, kampanyador at bumoto sa 11 kandidato nito sa pagkasenador at apat na party-list. Tiniyak ng koalisyon na magpapatuloy sila sa pakikibaka para sa mga demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino kahit tapos na ang kampanya at halalan.

Sa huling tala ng Commission on Elections, nakatanggap ng kalahating milyon hanggang 4.64 milyong boto ang mga kandidato sa pagkasenador ng Makabayan. Samantala, nakakuha ng kabuuang 1.08 milyong boto ang apat na party-list ng Makabayan na ACT Teachers, Kabataan, Gabriela Women’s Party at Bayan Muna.

Tiyak na ang pagbabalik ng partido ng Kabataan at ACT Teachers sa Kongreso samantalang nanganganib na hindi makakuha ng pwesto ang Gabriela. Ang Bayan Muna ay hindi makakaupo sa ikalawang pagkakataon mula nang hindi makapasok noong 2022.

“Sa milyong mamamayang bumoto at tumindig para sa buong Makabayan, taos-pusong pasasalamat sa inyo!” pahayag ni Liza Maza, presidente ng Makabayan at kandidato sa pagkasenador. Dagdag pa niya, ang boto at suporta ng mamamayang Pilipino ay hindi lamang numerong mananatili sa balota, kundi testamento ng paninindigan laban sa bulok na sistemang matagal nang nanliligalig sa ating bayan.

Bilang umano ito ng manggagawang Pilipino na lumalaban para sa dagdag sahod at disenteng trabaho, mga magsasakang naninindigan para ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa, mga kabataang naghahangad ng kinabukasang makatarungan at malaya, mga kababaihan, OFW, LGBT, maralita, at mga katutubong hindi kailanman magpapagapi sa lahat ng porma ng pananamantala. “Kayo ang patunay na ang Pilipino ay lumalaban at niyayakap ang plataporma ng Makabayan,” ayon kay Maza.

Dagdag pa ng presidente ng koalisyon, “sa halalang 2025 ay nagkaroon tayo ng oportunidad na pagtibayin ang panawagan para sa pambansang demokrasya—programa ng Makabayan para sa kagyat na ginhawa, kalayaang may hustisya, at demokrasya.” Pangako niya sa masang Pilipino, mananatili ang Makabayan sa kanilang panig at walang humpay na lalaban sa pasismo, sa kagutuman, kahirapan, sa kontrol ng dayuhan at sa mga korap na dinastiyang pampulitika na kada taon ay ginagatasan ang ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng pambubudol.

Nagawang ilunsad ng Makabayan ang isang pambansang kampanya at makakalap ng milyun-milyong boto sa kabila ng sustenido at koordinadong atake ng mga pwersa ng estado, walang tigil na Red-tagging at panunupil, kampanya ng disimpormasyon at lantarang pandaraya sa eleksyong 2025 gamit ang mga automated na makina.

Ayon kay Atty. Renee Co, unang nominado ng Kabataan Party-list, “walang ibang pampulitikang partido ngayon ang kinailangang harapin ang mga pag-atake na hinarap ng Makabayan at ng mga grupong party-list nito. Sinikap ng rehimen na lipulin ang Makabayan sa larangan ng eleksyon ngunit nabigo ito.” Dagdag niya, patunay ito ng lakas at paglaban ng sambayanang Pilipino.

Samantala inihayag ni Sarah Elago, unang nominado ng Gabriela Women’s Party, na patuloy nilang ipaglalaban na makabalik ang partido ng kababaihang Pilipino sa Kongreso. “Habang lalong dumadami ang abuso, mas lalong kailangan ng mga babae, bata, LGBTQ+ at ng bayan ang Gabriela sa kongreso,” aniya.

Natalo man, ipinahayag ng Bayan Muna na hindi ito magpapapigil at hindi kailanman tatahimik ang kanilang partido. “Ang aming paninindigan na maglingkod sa sambayanang Pilipino ay magpapatuloy—sa loob man o labas ng Kongreso. Ang laban para sa lupa, sahod, karapatan, at hustisya ay hindi nalilimitahan sa loob ng parliyamento,” pahayag nito.

AB: "Tuloy ang laban," pahayag ng Koalisyong Makabayan matapos ang eleksyon 2025