Unyon ng mga manggagawa sa Nexperia, bumoto pabor sa pagwelga

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Malaking mayorya ng mga manggagawang kasapi ng Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union (NPIWU-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno) ang bumoto pabor sa paglulunsad ng welga laban sa malawakang tanggalan ng kumpanya. Isinagawa ng unyon ang strike vote noong Hulyo 29-30 sa Cabuyao, Laguna.

Umabot sa 1,246 sa kabuuang 1,883 manggagawa ang sumuporta sa planong welga, habang 48 ang tumutol dito, dalawa ang spoiled na balota, dalawa ang hindi valid at 585 ang hindi bumoto. Maayos na naisagawa ang aktibidad matapos ang naunang naantalang botohan noong Hulyo 17-18 dahil sa lantarang pakikialam ng maneydsment.

Noong Hunyo 26, inihain ng unyon ang Notice of Strike (NOS) sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region IV-A sa Calamba, Laguna. Nagdesisyon silang maghain ng NOS dahil sa di makatarungang mga kundisyon sa paggawa tulad ng pagtatanggal sa mga upisyal ng unyon, pansamantalang pagtanggal sa mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga prubisyon na nakasaad at napagkasunduan sa Collective Bargaining Agreement.

Halos 600 na ang mga manggagawang apektado ng naging serye ng mga tanggalan sa kumpanya mula noong 2023. Ayon sa unyon, ginagamit na dahilan ng maneydsment ang “automation” at “cost-optimization” para ipatupad ang maramihang tanggalan.

Nangangahulugan ito ng pagbabawas ng manggagawa para palitan ng mauunlad na makinarya o teknolohiya sa kanilang linya ng produksyon sa layuning makatipid sa sahod at mapalaki ang tubo ng kumpanya. Ginamit ring pagdadahilan ng Nexperia ang “low-performance” ng mga manggagawa bilang basehan ng tanggalan.

“Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng unyon sa lahat ng mga manggagawa ng Nexperia sa pagtindig laban sa tanggalan at para sa karapatan!” pahayag ng NPIWU-NAFLU-KMU. Anito, isang tigreng papel ang kapitalistang Nexperia sa harap ng pagbibigkis ng mga manggagawa.

Binati ng iba’t ibang unyon at pederasyon ang naging matagumpay na “strike vote” ng mga manggagawa sa Nexperia. “Nakita ng mga manggagawa ang pangangailangan sa pagwelga, ang kanyang sandata laban sa kapitalista. Nakita ng mga manggagawa na hindi binibigyan ng kapitalistang Nexperia ng halaga ang pagkayod niya sa araw-araw na siyang nagbibigay ng yaman sa kapitalista,” ayon sa pederasyong NAFLU-KMU.

Dagdag pa ng NPIWU-NAFLU-KMU, pagkakataon ito para higit na palakasin at patibayin ang kanilang unyon. “Ihanda ang ating hanay para sa welga!” anito.

Idiniin naman ng KMU ang kahalagahan ng “malakas at mahigpit na pakikipagkaisa ng mga unyon, manggagawa at iba pang mga sektor ng mamamayan upang matiyak na maituluy-tuloy ang welga hanggang sa pagpapanalo nito.”

AB: Unyon ng mga manggagawa sa Nexperia, bumoto pabor sa pagwelga