Balita

Walang pakundangang pagpapasabog ng Israel ng mga "pager" at "walkie-talkie" sa Lebanon, krimen sa digma

,

Pinag-aaralan na ngayon ng maraming eksperto sa internasyunal na makataong batas ang magkasunod na pagpapasabog ng Israel ng libu-libong “pager” at ilang “walkie-talkie” sa Lebanon at Syria bilang isang krimen sa digma. Anila, bawal ang ginawang “remote” na pagpapasabog dahil ito ay walang pakundangan, di proporsyunal at nagdulot ng pinsala sa mga sibilyan.

Ayon sa isang eksperto, ipinagbabawal sa internasyunal na batas ang “paggamit ng booby-trap o iba pang device na nasa anyo ng mukhang harmless (o hindi nakapipinsala) na maliliit na kagamitan na dinisenyo at ginawa para lagyan ng eksplosibong materyal.” Nakasaad ito sa Artikulo 7(2) sa Amended Protocol II, na inaprubahan noong 1996. Maituturing ang mga pager at walkie-talkie bilang gayong mga kagamitan. Nakapirma ang Israel sa naturang protocol.

Magkasunod na isinagawa ng Israel ang pagpapasabog noong Setyembre 17 at 18, ang mga pager (modelong Rugged Pager AR-924) ng isang kumpanyang Taiwanese at mga “walkie-talkie” o radio trasnceiver (ICOM IC-V82) ng kumpanyang Japanese. Nagresulta ang mga ito sa pagkamatay ng hindi bababa sa 32 katao, kabilang ang dalawang menor de edad, at 2,700 ang sugatan kung saan 200 ay nasa kritikal na kundisyon. Marami sa kanila ay tinamaan sa mukha at kamay, at ilan ay nangailagan ng amputasyon.

Sa unang kaso, pinasabog ng Israel ang libu-libong pager, karamihan sa Beirut, kabisera ng bansa. Ang pangalawa ay ang pagpapasabog ng mga walkie-talkie sa isang prosesyon para sa paglilibing sa apat na biktima ng unang pagsabog.

Ayon sa mga ulat, ang mga device ay naglalaman ng mga eksplosibo na pinasabog sa pamamagitan ng pinadalang mensahe. Sinasabing ang mga pager ay ginagamit ng grupong Hezbollah para ipanghalili sa mga smartphone na madaling pasukin at gamitin sa sarbeylans ng Israel. Binili ang mga ito ng Hezbollah noong Abril.

Ang mga pager ay may tatak-Taiwan pero gawa sa Hungary ng kumpanyang BAC Consulting KFT. Itinanggi ng kumpanyang nakabase sa Taiwan (Gold Apollo) na nanggaling sa kanila ang baterya at eksplosibo na ginamit para pasabugin ang naturang mga device. Ayon naman sa Icom, noon pang 2014 itinigil nito ang pagmamanupaktura ng pinasabog na mga walkie-talkie.

Ang mga pagpapasabog ay panibagong atake ng Israel at ng US para palawakin ang gera sa Middle East, kung saan may malalim na interes ang US.

AB: Walang pakundangang pagpapasabog ng Israel ng mga "pager" at "walkie-talkie" sa Lebanon, krimen sa digma